Calendar
Papel sa paglikha ng opportunities sa ekonomiya palakasin–Acidre sa mga colleges, universities
HINIKAYAT ni House Committee on Higher and Technical Education Chairperson at TINGOG Partylist Rep. Jude Acidre ang mga kolehiyo at pamantasan na palakasin pa ang kanilang papel sa paglikha ng mga oportunidad sa ekonomiya at pagsusulong ng kaunlaran ng mga komunidad.
Sa kanyang talumpati sa 2026 National Conference ng Association of Local Colleges and Universities (ALCU), binigyang-diin ni Acidre ang kahalagahan ng pagbuo ng mga programang pang-edukasyon na tumutugon sa pangangailangan ng mga komunidad at sa mga oportunidad sa kanilang lokal na ekonomiya.
Mas mahalaga na nakatutulong ito sa pagpapalakas ng kabuhayan at pagpapabuti ng kalagayan ng mga mamamayang pinaglilingkuran nito, ayon sa kongresista.
“Ang tunay na ambag ng isang lokal na pamantasan ay hindi lamang nasusukat sa dami ng mga gradweyt na ipinapadala nito sa lipunan, kundi pati na rin sa kung gaano kalakas at kaunlad ang komunidad dahil sa presensiya nito,” ani Acidre.
Dapat isaalang-alang ng mga lokal na kolehiyo at pamantasan ang pangunahing kabuhayan at pang-ekonomiyang pangangailangan ng kanilang mga lugar sa pagpili at pagpapalakas ng mga kursong kanilang iniaalok, ayon sa mambabatas.
Maaaring magpakadalubhasa sa agribusiness at pagproseso ng pagkain ang mga institusyong nasa mga komunidad na nakasandig sa agrikultura.
Samantala, maaaring palakasin ng mga paaralan sa mga baybaying lugar ang mga programang may kaugnayan sa pangisdaan at pangangalaga sa kapaligiran habang ang mga institusyong nasa mga industriyal na sentro ay maaaring magpokus sa teknolohiyang pang-inhinyeriya at pagmamanupaktura.
“Hindi kailangang ialok ng bawat institusyon ang lahat ng kurso,” paliwanag nito.
Binigyang-diin din ni Acidre na hindi sapat ang pagkakaroon ng mga kursong angkop sa pangangailangan ng komunidad.
Dapat ding masukat ang kalidad ng edukasyon batay sa pagkatuto ng mga estudyante, pagpapatuloy at pagtatapos ng kanilang pag-aaral, at pagkakaroon ng trabaho ng mga nagsipagtapos.
Sinabi pa niya na kailangang samahan ang pagbubukas ng mas maraming pagkakataong makapag-aral ng mga programang tutulong sa mga estudyante na makapagtapos at magkaroon ng mga kasanayang ginagamit nila sa kanilang buong buhay.
Hinimok din ng kongresista ang mga lokal na kolehiyo at pamantasan na palakasin ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, industriya at iba pang institusyong pang-edukasyon.
Mas maiuugnay ang mga aralin sa silid-aralan sa aktuwal na karanasan sa trabaho, masusuportahan ang mga lokal na negosyo, at mapagbubuti ang paghahatid ng mga serbisyong pampubliko.
Bilang bahagi ng mga hakbang upang makamit ang mga layuning ito, binigyang-diin ni Acidre ang pag-apruba ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa sa panukalang Local Universities and Colleges Governance Act.
Layunin ng panukalang batas na palakasin ang pamamahala at pagpapaunlad ng mga lokal na kolehiyo at pamantasan sa pamamagitan ng pagtatakda ng mas malinaw na mga pamantayan para sa pagpaplano ng institusyon, katatagan sa pananalapi, kalidad ng edukasyon at pamumuno.
Kabilang sa mga probisyon nito ang paghahanda ng limang-taong plano para sa pagpapaunlad ng institusyon, pagtatatag ng angkop na mga governing board, malinaw na proseso sa pagpili ng mga pinuno, at mas matibay na koordinasyon sa Commission on Higher Education (CHED).
“Ang Local Universities and Colleges Governance Act ay hindi lamang tungkol sa pagsasaayos ng mga regulasyon para sa mga lokal na kolehiyo at pamantasan,” ani Acidre.
Muli ring tiniyak ni Acidre ang kanyang pakikipagtulungan sa ALCU, mga lokal na pamahalaan, CHED at iba pang sektor ng mataas na edukasyon upang maisulong ang mga repormang kumikilala sa magkakaibang pangangailangan ng mga lokal na institusyon, habang pinananatili ang mataas na pamantayan ng kahusayan at pananagutan.
Binigyang-diin niya na ang tunay na tagumpay ng isang lokal na kolehiyo o pamantasan ay hindi lamang ang paglaki nito bilang institusyon, kundi ang pagiging mahalagang bahagi ng buhay at pag-unlad ng komunidad.

