Portal ng Senado nakalagay pag-aaral ng CSO sa ’27 budget

25 Views

ISINAMA ng Senado sa budget transparency portal nito ang link sa isang pag-aaral ng civil society organization (CSO) tungkol sa panukalang 2027 national budget, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Inihanda ng BetterGov.ph ang pag-aaral. Inilarawan ito ni Gatchalian bilang “detailed, granular and easy to analyze.”

Layon ng link na matulungan ang publiko na mabusisi ang panukalang budget, bukod pa sa mga opisyal na dokumentong inilalabas ng Senado.

Bahagi raw ito ng mga reporma ng Senado para sa transparency at accountability sa budget.

Ayon kay Gatchalian, gumamit ang mga CSO ng teknolohiya, artificial intelligence at coding para mapabilis ang kanilang pagsusuri.

Inilabas ng BetterGov.ph ang pag-aaral isang araw lamang matapos aprubahan sa second reading ang General Appropriations Bill, ang panukalang batas para sa pambansang budget. Sa second reading tinatalakay at binabago ang isang panukalang batas.

Dahil dito, mas maagang nasimulan ng mga senador ang pagbusisi sa panukala, aniya.

Hinikayat ni Gatchalian ang iba pang CSO na ibahagi rin ang kanilang pagsusuri sa budget.

Sinabi naman ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito, chairman ng Senate Committee on Finance, na tinitiyak ng partisipasyon ng publiko na tumutugon sa pangangailangan ng mga komunidad ang budget.

“Every peso we allocate represents a choice about the kind of future we want for our people,” ani Ejercito sa public consultation ng Senado kasama ang mga CSO sa panukalang 2027 budget.

Isinasama rin daw ng Senado sa portal ang ilang plataporma at tool para masubaybayan ng publiko ang budget at mapanagot ang mga ahensya sa paggastos nito.

Binanggit din ni Ejercito ang dalawang panukalang batas na naglalayong isabatas ang partisipasyon ng publiko sa paghahanda, pagdinig at bicameral conference ng budget.