Bike

Mga distrito inudyok magdeploy ng nakabisekletang pulis sa sementeryo

Edd Reyes Oct 26, 2026
22 Views

HINIMOK ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano ang mga district commanders na magtalaga ng mga pulis na nakabisikleta sa mga sementeryo sa buong Metro Manila.

Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher Abrahano, makatutulong ang paggamit ng mga bisikleta sa pagpapatrolya upang mas madaling makakilos ang mga pulis at makapasok sa makikitid na daanan sa loob ng mga sementeryo, kung saan maaaring mahirapang dumaan ang mga patrol car at iba pang sasakyan.

Inaasahang mapabibilis din ng mga bike patrol ang pagtugon sa mga insidente, mapananatili ang kapayapaan at kaayusan, at maibibigay ang agarang tulong sa mga nangangailangan, lalo na sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.

Inatasan din ni BGen. Abrahano ang mga district commander, chief of police at station commanders na tiyakin ang sapat na presensya ng mga pulis at maayos na pagtatalaga ng mga tauhan upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng publiko sa mga sementeryo at mga kalapit na lugar.

Pinaaalalahanan ng NCRPO ang publiko na maging mapagmatyag sa kanilang mga gamit, bantayang mabuti ang mga batang kasama at matatanda, at agad lumapit sa mga pulis na nakatalaga sa lugar kung nangangailangan ng tulong.