Baseco Nagpaalala si PLt. Col. Rommel Anicete sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak habang nagsasagawa ng imbestigasyon si PMaj. Dave Garcia ng homicide section ng MPD.

8-anyos nagpaalam mag-computer, umuwing bangkay

Jon-jon Reyes Oct 27, 2026
35 Views

Baseco1NALUNOD ang Grade 2 student na nagpaalam lang na maglalaro sa computer shop pero naligo pala sa Baseco Beach sa Brgy. 649, Port Area, Manila noong Lunes.

Ang biktima ay walong-anyos, naninirahan sa Smart 2, Gawad Kalinga, Baseco Compound, Brgy. 649, Port Area, Manila.

Ayon sa report ni Police Lieutenant Colonel Rommel Anicete, hepe ng MPD Baseco Police Station 13, bandang alas-2:05 ng hapon ng magpaalam ang paslit na maglalaro ng computer shop na malapit sa kanila, ayon sa ina ng biktima.

Pero niyaya ng mga kaibigan niya ang biktima na maligo sa Baseco Beach.

Pagsapit ng alas-5:05 ng hapon, tumigil na sa paglangoy ang mga kasama ng biktima at umuwi na at hindi napansin na nawawala na ang biktima.

Pagdating nila sa kanilang lugar, tinanong ng ina ng biktima ang mga kaibigan kung nasaan ang kanyang anak.

Noon lamang nila nalaman na wala ang biktima at inakala pa na nauna na itong umuwi.

Nagtungo sa barangay ang ina at mga barkada ng biktima upang iulat ang pangyayari.

Humingi rin sila ng tulong sa pulisya ng Baseco na nakipag-ugnayan sa Delpan Coast Guard station upang humiling ng mga frogmen na maghanap sa biktima.

Bandang alas-8:55 ng gabi, nakuha ang bangkay ng biktima mula sa malalim na bahagi ng tubig malapit sa pampang.

Ayon kay PCMS Jason Ibasco na nakarating kay Police Major Dave Garcia, patuloy ang imbestigasyon para malaman ang nangyari sa likod ng pagkalunod ng biktima.