Recto

Recto sa mga bagong hukom: Maggawad ng hustisya ng patas, malaya, may malasakit

22 Views

HINIMOK ni Executive Secretary Ralph Recto ang mga bagong talaga at na-promote na hukom na maggawad ng hustisya nang patas, malaya at may malasakit, lalo na sa mahihirap at bulnerableng Pilipino.

“Maaaring mahigpit ang batas, ngunit hindi kailangang maging malupit ang nagpapatupad nito,” ani Recto.

Nagsalita si Recto nitong Lunes, Oktubre 26, nang makipagpulong ang mga hukom kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Louise Araneta-Marcos sa Malacañang.

“You can be impartial without being indifferent—especially to those for whom justice is often the hardest to reach,” dagdag niya.

Ipinaalala ni Recto na may kuwento ng tao sa likod ng bawat kaso. Nakataya raw rito ang kalayaan, kabuhayan, ari-arian at kung minsan ay buhay ng mga sangkot.

Habang naghahain ng merienda ang Palasyo, may paalala si Recto sa mga hukom.

“There is, however, one thing every judge should partake of: a healthy serving of empathy,” aniya.

Nilinaw niya na ang malasakit ay hindi nangangahulugang pagbaluktot sa batas o pagkiling sa isang panig. Sa halip, ito raw ay matiyagang pakikinig, paggalang sa dignidad ng bawat tao at pag-unawa sa epekto ng mga desisyon ng korte.

“Above all, every case must be decided on its merits, not on what the judge had for breakfast. Or, as the case may be today, for merienda,” dagdag niya.

Bagama’t hindi abogado, binalikan ni Recto ang pagsisilbi niya bilang senator-judge, kasama si Marcos na noo’y senador din, sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.

Mula sa karanasang iyon, hinikayat niya ang mga hukom na manatiling tapat sa ebidensya at sa batas, kahit may presyon mula sa makapangyarihang interes, opinyon ng publiko at social media.

“A judge must have the discipline to hear every side and the independence to belong to none,” sabi niya.

Ayon kay Recto, mahalaga ang kalayaan ng hudikatura lalo sa mga ordinaryong Pilipinong walang yaman, impluwensya o koneksyon para ipagtanggol ang kanilang interes.

Ito raw ang nagbibigay-daan para maging ang pinakamahinang mamamayan ay makaharap ang pinakamakapangyarihan at umasa ng patas na pagdinig.

Nagbabala rin siya laban sa paggamit ng legal technicalities na humahadlang sa tunay na hustisya.

Sinipi niya ang desisyong isinulat ng kanyang lolo na si Claro M. Recto sa kasong Blanco versus Bernabe noong 1936: “To interpret the law otherwise is to sacrifice the ends of justice to technicalities.”

Binanggit din niya ang turo ni Justice Jose P. Laurel sa kasong Calalang versus Williams na para sa social justice, kailangang gawing makatao ang batas at pantay na maprotektahan ang lahat.

“This is the bar you must meet as you begin this new chapter of public service. This is the duty you have sworn to uphold for every person who comes before your courts,” ani Recto.

“And this is the justice our people expect you to render—without fear or favor, but never without compassion,” pagtatapos niya.