Calendar
Binatilyo, 17, sinuntok sa mukha ng driver matapos tricycle masagi
ARESTADO ang 41-ayos na tricycle driver na umano’y gumulpi at nanutok ng patalim sa menor-de-edad na binatilyo na nagtutulak ng kariton Miyerkules ng hapon sa Malabon City.
Sa nakarating na ulat kay Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission, nagtutulak ng kariton na may kargang softdrinks ang 17-anyos na biktima nang aksidenteng masagi ang tricycle na minamaneho ng suspek sa isang eskinita sa Brgy. Sa Agustin pasado alas-5:00 ng hapon.
Nagalit umano ang suspek at kaagad pinagmumura ang binatilyo na sa takot ay nagtangkang umiwas palayo.
Hinabol at kinuwelyuhan ng suspek ang binatilyo, pinagsusuntok sa mukha, at tinutukan ng patalim habang tinatakot at pinagsasabihan na huwag maging kampante sa kanilang lugar.
Nang makauwi ang biktima, kaagad siyang nagsumbong sa kanyang kaanak na nagsama sa kanya sa tanggapan ni P/Cpt. Marcelo Agarin, , Acting Sub-Station 6 Commander, na mabilis namang umaksiyon na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek, katuwang ang mga barangay tanod.
Mahaharap ang suspek sa reklamong pananakot, pananakit at paglabag sa R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Malabon City Prosecutor’s Office.

