Calendar
Ipinahayag ni Police Lt.Col.Jervie Alfonso na walang nakitang kahina-hinalang materyales o pampasabog sa PLM matapos makita ang isang umano’y bomb threat sa palikuran ng nasabing pamantasan.JONJON C. REYES
Banta sa PLM: BOMB ALERT TARGET: “MAY BOMBANG SASABOG SA GL BUILDING”



NAGSAGAWA ng inspeksiyon at beripikasyon ang mga operatiba ng ng DECU EOD K9 at mga tauhan ng Explosive Ordnance Division sa paligid ng PLM sa Intramuros, Manila matapos makatanggap umano ng mensahe mula sa radyo hinggil sa umano’y banta ng pagsabog sa loob ng nasabing pamantasan, Huwebes ng hapon.
Ayon sa report ng pulisya, bandang 3:45 p.m. ng Oktubre 29, 2026 nakatanggap sila ng radio call mula kay PSSg Balucan ng DTOC MPD hinggil sa nasabing banta.
Ayon kina Jeanne Raye Camacho, Loida Kate Tan, Maria Beatrize Olio, mga mag-aaral ng BS Bio, natuklasan nila ang isang papel sa palikuran ng mga babae na may mensaheng: “BOMB ALERT TARGET: “MAY BOMBANG SASABOG SA GL BUILDING”
Agad inatasan ni Police Lieutenant Colonel Jervie M. Alfonso, hepe ng MPD Ermita Police Station 5, ang kanyang mga tauhan sa Intramuros PCP sa pamumuno ni PMaj. Brian B Tambole, PCP Commander, na bantayan ang lugar.
Nagsagawa rin ng “panelling operation” o paghanap ng pampasabog ang DECU MPD sa pamumuno ni PCMS Romulus Roland Rosales Ramilo, simula sa ika-5 palapag ng GL Building sa PLM.
Dumating din sa lokasyon ang Cybercrime Unit ng MPD sa pamumuno ni PCPT Jun Villanueva at nagsagawa ng “panelling operation” ang K9 Unit.
Matapos ang masusing pagsusuri, walang natagpuang bomba o anumang kahina-hinalang bagay na mapanganib sa nasabing pamantasan.

