Calendar
Operator ng bus na bumangga sa barrier sa EDSA ipinatawag ng LTFRB
IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operator ng bus na bumangga sa mga concrete barriers sa EDSA noong Biyernes.
Ayon kay acting LTFRB chairman Atty. Greg Pua Jr., inaatasan sa loob ng tatlong araw mula sa pagtanggap ng show cause order (SCO) ang Pangasinan Five Star Bus Co. Inc. na magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang Certificate of Public Convenience (CPC) nito kaugnay ng insidente.
“Bahagi ito ng imbestigasyon upang matukoy kung ano ang nangyari. Dulot ba ito ng problema sa sasakyan o pagkakamali ng driver?” ani Pua.
Walong concrete barriers ang nabangga ng bus sa southbound lane ng EDSA malapit sa kanto ng Quezon Avenue.
Naganap ang insidente matapos paalalahanan ng LTFRB ang lahat ng operator ng mga public utility vehicles (PUVs) na tiyaking nasa maayos at ligtas na kondisyon ang kanilang mga sasakyan.
“Nanawagan tayo sa lahat ng operator ng bus na higit pang paigtingin ang pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan sa kalsada, lalo na ngayong panahon ng Undas kung kailan milyon-milyong Pilipino ang bibiyahe,” dagdag niya.
Itinakda sa Nobyembre 5 ang pagdinig sa kaso batay sa SCO na nilagdaan ni Atty. Ralph Aidrin Baguio, officer-in-charge ng LTFRB legal division.
Ayon sa SCO, ang hindi pagdalo sa pagdinig at pagsusumite ng sagot ay ituturing na pagtalikod ng operator sa karapatang marinig ang panig nito at maaaring magresulta sa multang P5,000.

