Roro Larawan: PCG/FB

58 pasahero, crew, nailigtas matapos tumagilid ang roro sa Quezon

25 Views

LIGTAS na nailikas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 58 katao matapos tumagilid sa kanang bahagi ang isang RoRo passenger vessel malapit sa Real Port sa Barangay Ungos, Real, Quezon, madaling araw nitong Oktubre 30.

Kabilang sa mga nailigtas ang 40 pasahero at 18 tripulante ng MV Virgen de Peñafrancia II, kabilang ang dalawang sanggol. Nagsimula ang insidente bandang 12:44 ng madaling araw, habang natapos ang rescue operation bandang 3:30 a.m.

Ayon sa PCG, nasa 10 metro lamang ang barko mula sa Real Port nang mangyari ang insidente. Bumiyahe ito mula Polillo Port patungong Real Port at may kargang 14 rolling cargoes. Kinumpirma naman ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Real na nasa maayos na pisikal na kondisyon ang lahat ng nailikas.

Nag-deploy ang PCG ng oil spill booms bilang pag-iingat laban sa posibleng pagtagas ng langis na maaaring makaapekto sa mga kalapit na baybaying komunidad. Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, may 1,300 litro ng marine diesel oil sa service tank ng barko at patuloy na sinusuri ang natitirang fuel at oil nito.

Inatasan din ng PCG ang Starhorse Shipping Lines Inc., operator ng barko, na kumuha ng Emergency Salvage Permit at magsagawa ng mga hakbang para ligtas na maalis ang barkong na-stranded.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng insidente at posibleng epekto nito sa kapaligiran.

Tiniyak naman ng PCG na hindi maaapektuhan ang mga biyahero sa Southern Tagalog. Sa kabila nito, paiigtingin ng Coast Guard District Southern Tagalog ang inspeksiyon at pagpapatupad ng mga hakbang pangkaligtasan sa mga pantalan ngayong Undas.