Hot News

15-anyos umaming minartilyo ina, itinapon sa septic tank

Alfred Dalizon Nov 2, 2026
20 Views
Tank
Source: Panglao Pulis

NARESOLBA na ng mga imbestigador ng Bohol Police ang kaso ng isang 46-anyos na guro na natagpuang itinapon sa isang abandonadong septic tank sa bayan ng Panglao noong Sabado, kasunod ng pagkakaaresto sa kanyang anak na umamin sa krimen, ayon sa Police Regional Office 7.

Batay sa ulat, paulit-ulit na hinampas ng 15-anyos na batang nasasangkot sa batas (Child in Conflict with the Law o CICL) ang ulo ng biktima na kinilalang “Rea” gamit ang martilyo matapos umano siyang pagalitan ng kanyang ina dahil sa madalas na pagliban sa klase at pag-absent sa paaralan.

Matapos ang insidente, kinaladkad umano ng menor de edad ang katawan ng kanyang ina papunta sa isang septic tank sa Barangay Looc at tinakpan ito ng mga bato.

Nagdulot ng alarma sa mga residente ang dagsa ng mga langaw at mabahong amoy na nagmumula sa septic tank, dahilan upang humingi sila ng tulong sa lokal na pulisya at mga opisyal ng barangay.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad sa lugar at nadiskubre ang bangkay ng biktima na nasawi dahil sa matinding pinsala sa ulo. Tinatayang naganap ang pagkamatay nito sa pagitan ng alas-3 at alas-4 ng madaling-araw noong Sabado.

Sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon at hot pursuit operation, natukoy ng mga awtoridad ang menor de edad na umamin na siya ang pumatay sa kanyang ina. Nabatid na magkasama silang nakatira sa iisang bahay sa Barangay Looc, kung saan narekober din ang martilyong may bahid ng dugo na umano’y ginamit sa krimen.

Kusang-loob na nagpakita sa mga awtoridad ang menor de edad, kasama ang kanyang legal counsel, mga guardian, at kinatawan ng Local Social Welfare and Development Office.

Alinsunod sa mga umiiral na legal na proseso at proteksyon, lumagda ang menor de edad sa isang extrajudicial confession na naglalahad ng kanyang pagkakasangkot sa insidente.

Bilang paggalang sa pribadong buhay ng pamilya at mahigpit na pagsunod sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, hindi muna isisiwalat ng Bohol Police Provincial Office ang pagkakakilanlan, umano’y motibo, at iba pang sensitibong detalye tungkol sa menor de edad, gayundin ang impormasyong maaaring makasira sa privacy ng mga taong sangkot sa kaso.

Kasalukuyang nasa protective custody ng Panglao Municipal Social Welfare and Development Office (MSWD) ang menor de edad para sa nararapat na interbensyon at mga kinakailangang legal na proseso.

“Bagama’t isang napakalungkot na insidente ito na nakaapekto sa isang pamilya at sa buong komunidad, masigasig at propesyonal na isinagawa ng mga imbestigador ng Bohol Police ang kanilang tungkulin upang matukoy ang mga pangyayari sa likod ng kaso,” ayon sa pahayag ng provincial police office.

Tiniyak din ng pulisya na magpapatuloy ang proseso ng hustisya alinsunod sa batas, habang pinangangalagaan ang mga karapatan at proteksyong nakalaan para sa mga batang nasasangkot sa batas.

Nagpaabot naman ng taos-pusong pakikiramay ang lokal na pulisya sa naulilang pamilya ng biktima at tiniyak sa publiko ang patuloy nitong pangako na pangalagaan ang buhay, ipatupad ang batas, at tiyaking maipagkakaloob ang hustisya nang patas at may paggalang sa mga karapatan ng lahat ng panig na sangkot sa kaso.