Garin1

Tamang bilang ng botong kailangan para ma-convict si VP Sara nasa Senado ang pasya–Garin

Mar Rodriguez Nov 2, 2026
29 Views

IPINAHAYAG ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin ang suporta sa kapangyarihan ng Senate Impeachment Court na magtakda ng wastong bilang ng mga botong kinakailangan upang ma-convict si Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Garin, nasa angkop na posisyon ang Senado upang magpasya kung paano dapat ipatupad ang 2/3 vote requirement ng Konstitusyon sa paglilitis laban sa Pangalawang Pangulo.

Binanggit ni Garin ang mga legal na pananaw ng tatlong dating Punong Mahistrado ng Korte Suprema na pabor sa interpretasyong ibatay ang bilang ng kinakailangang boto sa mga senador na legal at aktuwal na kuwalipikadong lumahok sa paglilitis.

Nagkakaiba ang kanilang mga interpretasyon sa kahulugan ng probisyon ng Konstitusyon tungkol sa two-thirds vote requirement.

“Ang tatlo ay nagbigay ng kanilang interpretasyon na ibig sabihin sa Konstitusyon ay two-thirds of all members of the Senate.

Kaya ‘yan ang, sa pananaw ko, they are in the best position to determine the threshold sa botohan,” dagdag nito.

Ayon pa kay Garin, pabor sina ex chief justice ArteminoPanganiban, Reynato Puno at Hilario Davide sa interpretasyong ang pagbibilang ng kinakailangang boto ay dapat ibatay sa mga miyembro ng Senado na kuwalipikadong makilahok sa impeachment proceedings.

Iginiit naman ni Azcuna na kailangang makakuha ng 16 na boto ang panig na pabor sa conviction, batay sa kabuuang 24 na miyembro ng Senado.

Ipinaliwanag ni Garin na sa kanyang pananaw, ang tinutukoy na mga miyembro ng Senado ay yaong mga aktibong senador na maaaring lumahok sa paglilitis.

“At ang kanilang interpretasyon, kapag sinabing miyembro ng Senado, ikaw ay active member,” paliwanag niya.

Noong Setyembre 23, pinagtibay ng Senate Impeachment Court ang interpretasyong ang pagbibilang ng kinakailangang boto ay dapat limitado sa mga senador na legal at aktuwal na may kakayahang makilahok sa paglilitis.

Binaligtad nito ang naunang posisyon ni Senate President at Presiding Officer Francis Escudero na kinakailangan ang 16 na boto upang magkaroon ng conviction.

Binigyang-diin ni Garin na ang naging desisyon ng Senate Impeachment Court ay nakabatay sa mga paliwanag at legal na interpretasyong inilahad ng mga “amicus curiae” o mga kaibigan ng hukuman na inimbitahang magbigay ng kanilang ekspertong pananaw.

Samantala, tinugunan din ng mambabatas ang mga espekulasyon hinggil sa posibilidad na may isa pang senador na sumama sa mayorya sa Senado.

Ayon kay Garin, hindi dapat maging batayan ang pagkakabilang ng isang senador sa mayorya, minorya o independent bloc sa pagboto nito bilang hukom sa impeachment trial.

Ipinaliwanag ni Garin na kapag nagpupulong ang Senado bilang Impeachment Court, ang bawat senador ay gumaganap bilang isang hukom at kailangang magpasya batay sa mga ebidensiyang inilatag ng prosecution at mga paliwanag ng depensa.

“Pero kapag nag-convene ang impeachment court, ang boto nila will not be based on whether you are a member of the majority or a member of the minority or independent, dahil bawat isa sa kanila ay nagiging huwes,” paliwanag ni Garin.