Calendar
Libel, cyber libel sana madecriminalize na
MALAKING tulong ang halos P100,000 donasyon ng PR firm na ALPAS Group upang mapalawak ang programang susuporta sa dinaranas na emotional at mental health ng mga mamamahayag.
Hindi kasi maikakaila na posibleng dumanas ng pagkabalisa at labis na pangamba ang mamamahayag na makakasuhan ng libel o cyber libel, hindi lang dahil may katapat itong parusang pagkabilanggo, kundi ang perhuwisyong idudulot nito sa pang-araw-araw ng gawain lalu na kung sa malayong lugar ito ihahain.
Sabi nga ni Marzie Marzan, isa sa nagtatag at CEO ng ALPAS, ang kalusugang pangkaisipan ay isa sa kanilang pinapahalagahan ng lubos sa loob mismo ng kanilang kompanya kayat nais nila itong maibahagi rin sa mga miyembro ng media at organisasyon na kanila rin namang kaagapay sa pagta-trabaho.
Sabi pa niya, kinikilala nila ang pagharap sa kakaibang hamon sa buhay ng mga mamamahayag sa pagtupad sa tungkulin kayat umaasa sila na sa pamamagitan ng ipinagkaloob na donasyon, makakatulong ito ng malaki upang mapangalagaan ang kanilang kalusugang pangkaisipan.
Lubos naman ang pasasalamat ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) sa ALPAS at sinabing ang mga mamamahayag sa Pilipinas ay lantad sa mga nakababahalang sitwasyon at traumatikong pangyayari sa linya ng kanilang trabaho, kabilang ang pag-uulat sa nagaganap na krimen, kalamidad, at maging ng katiwalian ng mga pulitiko at negosyante na karaniwan ng naglalagay sa panganib sa kanilang buhay
Tiniyak naman ni Atty. Carlo Escalada, ang Co-Founder at Chief Strategy Officer ng ALPAS na patuloy nilang susuportahan ang mga mamamahayag na may mahalagang papel na ginagampanan upang mapanatiling mulat palagi sa kaalaman ang publiko.
Kadalasan na kasing ginagamit ng mga nasa kapangyarihan ang kasong libel at cyber libel para lang gipitin at patahimikin ang mga mamamahayag na tumutuligsa sa kanilang mga tiwaling gawain..
Sana nga lang, maipasa na ang batas na ma decriminalize na ang kasong libel at cyber libel para hindi magamit bilang armas sa pagpapatahimik sa mga mamamahayag sa ginagawang pagpuna sa mga nagaganap na katiwalian.
Pagdami ng mga bounty hunter, hindi malayong mangyari
TIYAK na marami ngayon ang nag-aambisyong maging bounty hunter dahil sa laki ng pabuyang nakalaan sa mga wanted na personalidad na nahaharap sa magkakaibang uri ng kasong kriminal.
Isipin na lang na kung may impormasyon ka sa kinaroroonan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na magiging daan sa kanyang pagkakadakip, may tumataginting ka ng pabuya ng P50 milyon habang P20 milyon naman kapag naituro mo rin ang kinaroroonan ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.
Kung ikukumpara ang pabuyang inilaan kina Sen. Bato at Atong Ang, lalabas na parang barya lang ang P2 milyong pabuya na inilaan naman para sa ikadarakip ni dating Bureau of Correction (BuCor) Director Gerald Bantag.
Pero siyempre, ang hirap yatang kitain ng P2 milyon kaya kung may impormasyon din lang para madakip ang dating BuCor chief, aba’y ipagbigay-alam na rin dapat ito sa kapulisan.
Noong maglaan ng P20-milyong pabuya para sa ikadarakip ni Atong Ang, marami ang nagtaas ng kilay dahil kayang-kaya naman itong tapatan ng negosyante pero hindi ang P50 milyon na inilaan kay Sen. Bato kaya tama ang sabi ng Malacanang, pasikip na ng pasikip ang mundong ginagalawan ng senador.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0915-649-2023 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
