Calendar
Ina binebenta sa dayuhan malalaswang litrato,video ng menor de edad na anak
NAILIGTAS ng NBI-Violence Against Women and Children Division (NBI-VAWCD) at Sarangani District Office (NBI-SARDO) sa General Santos City ang isang menor de edad mula na binebenta umano ang malalaswang litrato at video ng ina.
Nasagip ang biktima at naaresto ang ina nito sa Purok Malayang Nayon, Bgy. Mabuhay, General Santos City.
Nag-ugat ang kaso sa referral ng National Coordination Center Against Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (NCC-OSAEC-CSAEM) ng Department of Justice (DOJ).
Ang referral ay batay sa mga ulat mula sa National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC), kasunod ng pag-flag ng messaging application na Kik sa account ng suspek.
Ayon sa impormasyon, nag-aalok at nagbebenta umano ang suspek sa mga dayuhan ng mga Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) na tampok ang kanyang anak kapalit ng bayad.
Kabilang umano sa mga mamimili ay mga taga-Estados Unidos, Australia at Germany.
Noong Oktubre 28, 2026, nagsagawa ng operasyon ang NBI-VAWCD at NBI-SARDO, kasama ang NBI-DFL, ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ng General Santos City, at ang Child Rescue Coalition (CRC), upang ipatupad ang Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD).
Sa pagsusuri sa mobile phone ng subject, natuklasan ang mga materyales na may kaugnayan sa CSAEM.
Inaresto ang suspek dahil sa paglabag sa Republic Act No. 11930, o ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.
Ang nasagip na minor ay dinala sa CSWDO ng General Santos City para sa nararapat na interbensyon, pangangalaga, at pagsusuri sa kaniyang kalagayan. Nasa custody naman ng NBI-SARDO ang suspek matapos isailalim ito sa inquest proceedings
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, ang matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng matatag na komitment ng NBI na protektahan ang mga bata laban sa online sexual abuse at pagsasamantala, partikular na sa mga kaso kung saan ang mismong magulang ang nagkakasalang mang-abuso sa loob ng tahanan ng bata.
Pinuri ni NBI Director Melvin Matibag ang mabilis na koordinasyon sa pagitan ng NBI-VAWCD, NBI-SARDO, at ng NBI Digital Forensic Laboratory (DFL) sa isinagawang data seizure at mabilis na pagsagip sa menor de-edad.
Patuloy na isinusulong ng NBI ang pangangalaga sa mga bata laban sa anumang uri ng pang-aabuso at pagsasamantala, lalo na sa digital na mundo. Hinihikayat ang publiko na maging mapagmatyag at agad na iulat sa mga kinauukulan ang anumang kahina-hinalang aktibidad na maaaring maglagay sa panganib sa mga bata.

