NCRPO

Patrolya sa gabi sa Metro Manila paiigtingin — NCRPO

Edd Reyes Nov 9, 2026
16 Views

INIUTOS ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano ang pagpapaigting sa presensiya ng mga pulis gabi sa Metro Manila upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan.

Ang utos ay bilang pagsunod sa direktiba ni PNP Chief P/Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na palakasin ang presensiya ng mga pulis sa gabi, kasunod ng resulta ng Gallup survey na nagpapakitang 64 porsiyento lamang ng mga Pilipino ang nakakaramdam ng kaligtasan kapag naglalakad nang mag-isa sa kanilang mga komunidad sa gabi.

Nais ng NCRPO chief na tukuyin ng mga district director ang mga lansangang kulang sa ilaw, liblib na lugar, mga terminal ng transportasyon, at mga lugar na may naiuulat na krimen na nangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay ng mga pulis, partikular sa hatinggabi hanggang madaling-araw.

Kailangan anya ang pagtatalaga ng foot at mobile patrols, gayundin ang pakikipag-ugnayan ng mga police commander sa mga lokal na pamahalaan upang matugunan ang kakulangan sa seguridad, kabilang ang hindi sapat na ilaw sa mga lansangan at limitadong nakukuha ng mga CCTV camera.

Tiniyak ni PBGen. Abrahano na patuloy na susuriin ng NCRPO ang mga estratehiya nito sa deployment at operation upang matiyak na natatanggap ng mga residente ng Metro Manila ang kinakailangang proteksiyon sa lahat ng oras, kasabay ng pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa serbisyo ng kapulisan.