Calendar
Ama nilagay sa bag bangkay ng anak na sanggol, tinapon na parang basura
ARESTADO ang isang lalaki matapos umanong itapon ang bangkay ng sarili niyang sanggol na babae na natagpuang nakasilid sa berdeng bag sa Barangay North Fairview, Quezon City, noong Undas.
Sa imbestigasyon ng QCPD-CIDU, natukoy ang suspek sa pamamagitan ng CCTV footage kung saan makikitang iniwan nito ang bag sa tambak ng basura pasado alas-12 ng tanghali noong Nobyembre 1.
Bandang alas-3 ng hapon nang madiskubre ito ng mga basurero na nakasilid sa berdeng bag sa tabi ng highway sa Barangay North Fairview, Quezon City,
Kusang sumuko ang suspek noong Nobyembre 9 sa isang barangay kagawad matapos malaman na tinutugis na siya ng mga pulis.
Sa pag-amin ng suspek, hindi umano niya alam na buntis ang dati niyang nobya hanggang sa isilang nito ang kanilang anak na wala nang buhay.
Napagkasunduan umano nilang ilibing ang sanggol sa isang sementeryo ngunit sa halip na dalhin doon ay iniwan niya ito sa tabi ng highway.
Batay sa autopsy, stillbirth o ipinanganak nang wala nang buhay ang sanggol.
Nasa kustodiya na ng QCPD ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa PD 856 o Sanitation Code of the Philippines.
