Bam

Hiling ni Bam: NCSA likhain

77 Views

KASUNOD ng sunod-sunod na hacking at data leak sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong sektor, naghain si Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino ng panukalang batas na lilikha ng National Cybersecurity Agency (NCSA).

Layon ng Senate Bill No. 2248, o ang panukalang National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act, na palakasin ang depensa ng bansa laban sa hacking, data leak at iba pang cyberattack, gayundin ang paglaban sa online scam.

“Ang ahensiyang ito ang magsisilbing panangga natin laban sa mga hacking at data leak, na siyang pinag-uugatan ng mga online scam dahil sa mga datos na nakukuha sa gobyerno at mga pribadong kumpanya,” ani Aquino, chairperson ng Senate Committee on Science and Technology.

Sa ilalim ng panukala, ang NCSA ang magiging pangunahing ahensya ng pamahalaan na bubuo at magpapatupad ng pambansang estratehiya sa cybersecurity. Ito ang mangangasiwa sa pagpapatupad ng mga polisiya sa cybersecurity at magtatakda ng cybersecurity standards.

Hihigpitan din nito ang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno, pribadong kumpanya at international partners para maiwasan at matugunan ang mga cyber incident.

Oobligahin ng panukala ang mga ahensya ng gobyerno, government-owned and controlled corporations (GOCCs) at local government units (LGUs) na magpatupad ng minimum na cybersecurity at resilience measures para protektahan ang kanilang information systems, network at digital services.

Inaatasan naman ang mga operator ng Critical Information Infrastructure (CII) na regular na magsagawa ng cybersecurity risk assessment at magsumite ng audit report. Dapat din silang magpatupad ng tuloy-tuloy na monitoring at agad na iulat ang mga kritikal at high-risk na cybersecurity incident.

“Sa ahensiyang ito, mabibigyan ng training ukol sa data security ang mga pribadong kumpanya, gaya ng ating micro, small and medium enterprises (MSMEs), para maprotektahan ang kanilang mga record laban sa hacking,” paliwanag ng senador.

Isinusulong din ng panukala ang cybersecurity research and development, pati ang pakikipagtulungan sa mga academic institution at katuwang sa ibang bansa para mapalakas ang kakayahan ng bansa sa teknolohiya.

Kinumpirma ng National Privacy Commission (NPC) na sampung ahensya ng gobyerno ang nag-ulat ng personal data breach, kabilang ang Presidential Commission on Good Government (PCGG), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Nasa listahan din ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Department of Justice (DOJ), Securities and Exchange Commission (SEC), Philippine Coast Guard (PCG), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Science and Technology–Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS).

Iniulat naman ng cybersecurity monitoring group na Deep Web Konek na tinamaan umano ng malawakang data breach at exposure incident ang 23 ahensya ng gobyerno, educational institution at pribadong kumpanya.

Napaulat din na nagkaroon ng cybersecurity incident ang mobile application ng healthcare provider na St. Luke’s Medical Center.

Sa Kamara, inaprubahan umano noong Agosto ang kahalintulad na panukala, ang House Bill No. 9605, na lilikha rin ng NCSA.