Kiko: Papanagutin pati utak sa pagpatay sa hukom

60 Views

HINILING ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan sa mga awtoridad na tugisin at papanagutin hindi lamang ang mga bumaril kay Judge Joseph M. Wee Sit ng Regional Trial Court Branch 2 sa Isabela City, Basilan, kundi ang nagpondo at utak sa pagpatay.

Nanawagan din ang senador na ganap na ipatupad ang Judiciary Marshals Act, at agad magsagawa ng masusi at masinsing imbestigasyon.

Binaril si Wee Sit ng mga suspek na sakay ng motorsiklo bandang 5:25 ng umaga noong Huwebes sa Tumaga-Putik Road sa Barangay Tumaga, Zamboanga City.

“Ina-ambush nitong pag-atake sa kanya ang kalayaan at tungkulin ng hudikatura na itaguyod ang katarungan. Ina-ambush din nito ang karapatan ng karaniwang Pilipino na makahanap ng katarungan sa ating criminal justice system nang walang takot,” dagdag ng senador.

Ipinasa noong 2022 ang Republic Act 11691 o Judiciary Marshals Act, na lumikha ng Office of the Judiciary Marshals sa ilalim ng Korte Suprema para sa seguridad ng mga hukom, kawani at pasilidad ng hudikatura.

Ayon sa Korte Suprema, katuwang na ng mga awtoridad ang Office of the Judiciary Marshals sa imbestigasyon para matukoy ang mga responsable.

Natukoy na umano ng pulisya ang ilang persons of interest matapos matagpuan ang motorsiklong pinaniniwalaang ginamit ng mga salarin.

Tinitingnan din ng mga imbestigador ang posibilidad na may kinalaman sa trabaho ng hukom ang pagpatay, dahil may hawak umano siyang mga high profile na kaso sa Basilan.

“Batang-bata si judge. Mag-39 years old sana siya next week, November 21, at mahigit isang taon pa lamang sa hudikatura,” sabi ni Pangilinan.

Naitalaga si Wee Sit sa hudikatura noong Setyembre 23, 2025. Bago nito, naging prosecutor at public attorney muna siya.