Calendar
Larawan: Quezon City Police District/FB
Holdaper nahuli sa QC
ARESTADO ang isa sa dalawang suspek sa panghoholdap sa dalawang babae at nakuhanan pa ng baril at bala sa Timog Avenue, Quezon City, noong Nob. 14.
Nakuha sa 22-anyos na suspek ang 9mm pistol at 10 bala matapos masakote ng security guard sa tulong ng ilang sibilyan.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang unang panghoholdap dakong alas-6:30 ng gabi sa Scout Rallos Street.
Tinutukan umano ng baril ng back rider ang dalawang babaeng naglalakad at tinangay ang dalawang gintong kuwintas na nagkakahalaga ng P115,000.
Makalipas ang 30 minuto, namataan ng mga biktima ang mga suspek na tinangkang holdapin ang isa pang tao.
Sinabihan nila ang security guard na humingi ng tulong sa mga pulis.
Nang komprontahin, bumunot umano ng baril ang isa sa mga suspek at tinakot ang guwardiya pero sa tulong ng ilang concerned citizen, napasuko ang armadong suspek pero nakatakas naman ang kasama nito.
Inaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek matapos ituro ng mga biktima na isa sa mga nangholdap sa kanila.
Nahaharap ang suspek sa kasong robbery at paglabag sa Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at patuloy ang follow-up operation para madakip ang nakatakas na kasamahan.
Pinuri ni acting QCPD Director PBGen. Christopher Olazo ang mabilis na pagkilos ng security guard at pakikipagtulungan ng mga sibilyan sa pulisya.

