Calendar
SOURCE: Larawan mula sa FB/PNP
KONSEHAL SA PAMPANGA, 2 KASABWAT TIMBOG SA P650K PROPERTY SCAM
ARESTADO ang isang konsehal sa lungsod at dalawa pang babae matapos maaktuhan umanong tumatanggap ng ₱650,000 mula sa mga nagrereklamo sa isang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa San Fernando City, Pampanga, nitong Nobyembre 13, 2026.
Isinagawa ang operasyon ng Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit (AFCCU) ng CIDG kaugnay ng umano’y syndicated estafa sa pagbebenta ng mga residential property sa Panorama Heights at Kay-Land Residences sa bayan ng Mexico, Pampanga.
Ayon sa mga complainant, nakapaglabas na sila ng malaking halaga matapos matiyak umano ng mga nag-alok na pag-aari nila ang mga bahay at lupa at may pahintulot silang ibenta ang mga ito. Ang ₱650,000 na tinanggap ng mga suspek ay para umano sa restructuring ng kanilang mga Contract to Sell.
Gayunman, lumitaw sa beripikasyon sa Pag-IBIG Fund na ilan sa mga naturang property ay nailipat na, naibenta, may nakasanglang interes, o kabilang na sa acquired assets ng ahensya. Ang iba naman ay nakarehistro sa Development Bank of the Philippines at sa mga pribadong indibidwal.
Dahil dito, humingi ng tulong sa pulisya ang mga apektadong mamimili. Iniimbestigahan ang mga suspek dahil sa posibleng paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Presidential Decree No. 1689 o Syndicated Estafa.
Pinaalalahanan naman ni PNP Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang publiko na tiyaking beripikado ang titulo, pagmamay-ari at legal na awtoridad ng nagbebenta bago maglabas ng pera sa anumang transaksiyon sa lupa o bahay.
Patuloy pang iimbestigahan ang kaso at sasailalim sa proseso ng hukuman ang mga alegasyon laban sa mga naaresto. Nanatili rin ang karapatan ng lahat ng sangkot na mapakinggan at maprotektahan sa ilalim ng batas.
