Hon. Valeriano

Pagtatanong ng prosekusyon sa mga testigo ng defense team ni VP Sara ipinagtanggol

Mar Rodriguez Nov 17, 2026
13 Views

IPINAGTANGGOL ni House impeachment prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang pagtatanong ng prosekusyon sa mga testigong iniharap ng kampo ni Vice President Sara Duterte kaugnay ng pagbili ng sapatos at pagbabayad ng restaurant bill ng asawa nitong si Atty. Manases “Mans” Carpio.

Ito ang tugon ni Adiong sa mga puna hinggil sa paraan ng pagtatanong ng prosekusyon sa mga testigo noong impeachment hearing noong Nobyembre 12.

Tinanong ng mga mambabatas ang mga testigo tungkol sa pagbili ng mamahaling Nike shoes sa Malaysia para sa mga batang basketball player at pagbabayad ng restaurant bill sa Japan gamit ang credit card ni Carpio.

Kinuwestiyon ni Senate impeachment court Senator-Judge Pia Cayetano kung hindi ba nagmumukhang labis na paggastos ang pagbili ng sapatos para sa mga batang atleta.

Kinuwestiyon naman ni Senator-Judge Robin Padilla ang paggamit ng pamantayan ng simpleng pamumuhay sa pamilya ng Bise Presidente.

Iginiit ni Adiong na hindi dapat sisihin ang prosekusyon sa pagsisiyasat sa mga naturang transaksyon dahil mismong ang depensa ang nagharap ng mga testigong magpapaliwanag tungkol dito.

“Hindi naman po kami ang nagdala ng mga testigong magpapatunay sa pagbili ng mga Nike shoes at pagbabayad ng restaurant,” paliwanag ni Adiong.

May karapatan ang prosekusyon na kwestiyunin ang mga testigo at suriin ang kanilang mga pahayag, alinsunod sa mga patakaran ng impeachment proceedings.

Kabilang sa mga testigong iniharap ng depensa sina Atty. Anel Martin Antero, na nagpaliwanag tungkol sa transaksyon sa isang restaurant sa Tokyo, at Chadrin Parian, na tumestigo hinggil sa pagbili ng mga Nike shoes para sa mga batang basketball player sa Malaysia.

Hindi lamang ang mga nabanggit na gastusin ang pangunahing usapin sa impeachment trial, kundi ang mas malaking alegasyon tungkol sa umano’y P817.87 milyong hindi maipaliwanag na yaman at mga hindi naideklarang ari-arian na iniuugnay sa Bise Presidente.

Nais ng prosekusyon na tutukan ng depensa ang mga natuklasan sa forensic accounting analysis at ulat ni Atty. Alexander Cabrera, ang eksperto sa forensic accounting na iniharap ng prosekusyon.

Mahalagang masagot ng depensa ang mga natuklasang ito sa halip na tumuon lamang sa pagpapaliwanag sa magkakahiwalay na transaksyon, sabi ni Adiong.

Nakasalalay ang natitirang kaso ng prosekusyon sa mga dokumentong pinansyal at resulta ng forensic accounting na tumutukoy sa umano’y P817.87 milyong hindi maipaliwanag na yaman at mga hindi naideklarang ari-arian.

Samantala, patuloy namang kinukuwestiyon ng depensa ang mga transaksyon at pagkakaibang natukoy sa mga dokumentong iniharap laban kay Duterte.

Binigyang-diin ni Adiong na karapatan ng prosekusyon na suriin ang kredibilidad at kaugnayan ng mga testimonya ng depensa, habang ang impeachment court pa rin ang may kapangyarihang magpasya kung gaano kabigat ang ebidensyang iniharap ng magkabilang panig.