Barbers

Barbers: Problema ni VP Sara lalong lumalim dahil sa mga testigo ng defense team

Mar Rodriguez Nov 17, 2026
11 Views

PARA kay House prosecution panel adviser Robert Ace Barbers, lalo pang lumalim ang problema ni Vice President Sara Duterte sa impeachment proceedings matapos mabigong mapalakas ng mga testigo ng kanyang depensa ang mga paliwanag laban sa mga alegasyon ng hindi naideklarang yaman na nagkakahalaga ng P817.87 milyon.

Ayon kay Barbers, kasabay ng pagsasabing sa halip na mapagaan ang sitwasyon ng Bise Presidente, lalo pa umanong nadagdagan ang mga katanungang kailangang sagutin ng kanyang kampo.

Hindi naging kapani-paniwala ang naging testimonya ng ilang testigo ng depensa, na sa halip na linawin at pabulaanan ang mga alegasyon ay nagbukas pa ng panibagong mga usapin at hindi pagkakatugma sa mga impormasyong kanilang ibinigay.

“When the defense had the opportunity to bring forward witnesses who could have clarified and rebutted these allegations, such as her alleged P817 million undeclared wealth, they failed to do so convincingly,” ani Barbers.

Hindi lamang ang mabibigat na tanong ng mga senador-hukom ang naging problema ng depensa kundi ang kawalan umano ng malinaw at sapat na sagot ng ilang testigo upang maipaliwanag ang mga kuwestyonableng transaksyon at deklarasyon ng yaman.

Binanggit ni Barbers ang hindi pagtutugma ng ilang rekord ng ari-arian, isang transaksyon sa pagbabayad ng suweldo na nangangailangan pa ng karagdagang paliwanag at ang umano’y investment na walang malinaw na dokumentong nagpapatunay sa pinagmulan nito.

Kinuwestiyon din ni Barbers ang naging desisyon ng depensa na bawiin ang lahat ng 16 opisyal ng bangko na nakalista bilang mga testigo, na maaari sanang magbigay-linaw sa mga rekord at transaksyong pinansyal na bahagi ng impeachment proceedings.

Ayon pa kay Barbers, matapos ang unang apat na araw ng pagdinig sa depensa, nanatili umanong walang sapat na kasagutan ang pangunahing alegasyon hinggil sa P817.87 milyong hindi maipaliwanag na yaman.

“The Senate is not a courtroom where a witness can simply make an assertion and expect everyone to accept it,” ani Barbers.

Kailangang makapagbigay ang mga testigo ng malinaw, magkakatugma at kapani-paniwalang mga sagot upang maipaliwanag ang mga isyung kinakaharap ng Bise Presidente, ayon kay Barbers.

Binigyang-diin din niya na hindi lamang ito usapin ng magkakaibang kampong pampolitika o personalidad, kundi isang mahalagang usapin ng pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan sa publiko.

Aniya, karapatan ng mamamayan na malaman ang katotohanan, partikular kung ang mga alegasyon ay may kinalaman sa yaman at mga deklarasyong pinansyal ng isang mataas na opisyal ng bansa.

“The burden of an impeachment defense is not merely to produce witnesses. It is to produce credible witnesses who can withstand scrutiny and actually answer the questions being raised,” dagdag pa niya.