Calendar
P3.86M puslit na sigarilyo nasabat sa Batangas

KAMPO HENERAL MALVAR, Batangas– Kalaboso ang dalawang drayber matapos mahulog sa buy-bust ng mga awtoridad kung saan nasamsam ang tinatayang P3.86 milyong halaga ng mga ipinuslit na sigarilyo at dalawang sasakyan sa Brgy. Caloocan, Balayan, Batangas noong Martes.
Kinilala ni Batangas police director PCol. Oliver Ebora ang mga suspek na sina alyas Napoleon, 40, ng Brgy. San Rafael, Bulacan; at Ramon, 36, ng Brgy. Sambat, Balayan, Batangas.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Provincial Intelligence Unit (PIU), Balayan Municipal Police Station at Regional Special Operations Unit (RSOU-RID4A).
Nasamsam sa mga suspek ang 42 master cases at kahon ng iba’t-ibang brands ng sigarilyo tulad ng New Berlin, Red at Green Marshal, Victor Aguila, Aris, Modern Light, Two Moon at Modern Red na umaabot sa P2,402,400 ang halaga.
Kinumpiska rin ng pulisya ang puting Toyota Tamaraw Hilux, Hyundai Grand Starex, buy-bust at boodle money na pumalo sa P3,862,400 ng mga narekober na ebidensya.
Ang dalawa ay kasalukuyang nakakulong sa custodial facility ng Batangas PPO at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10643 (Graphic Health Warnings Law).

