Diokno

Diokno sa publiko: Pansin ituon sa ebidensiya sa impeachment trial, ‘wag sa ‘No-El’

Mar Rodriguez Nov 20, 2026
84 Views

NANANAWAGAN si House prosecution panel member at Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno sa publiko na ituon ang pansin sa mga ebidensiyang inilalatag sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa halip na mapunta ang talakayan sa mga alegasyon tungkol sa umano’y pagkansela ng 2028 national elections.

Ang naturang alegasyon ay iniugnay ng isang reporter kay Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Duterte, na nagtanong din tungkol sa posibleng pagpapalawig ng termino ng mga opisyal o pagpapalit sa parliamentary form of government.

Sinabi ni Diokno na wala siyang nalalaman tungkol sa sinasabing talakayan maliban sa impormasyong binanggit ng reporter.

Mariin din niyang tinutulan ang anumang planong kanselahin ang halalan dahil labag umano ito sa Konstitusyon. “Labag na labag po iyan sa ating Konstitusyon,” diin ni Diokno.

Nang tanungin kung maaaring isang paraan ito upang ilihis ang atensyon ng publiko, sinabi ni Diokno na nagiging dahilan lamang ang ganitong mga isyu upang hindi mapag-usapan ang mahahalagang usapin sa impeachment trial.

Sa tuwing napipilitan sumagot ang mga panig ng depensa sa mga ganitong pahayag, nawawala ang pokus sa mga pangunahing isyung dapat talakayin sa paglilitis.

Kasunod ng naturang briefing ang testimonya ni Atty. Rainer Dela Fuente, isang testigo ng depensa, hinggil sa mga pamantayan laban sa money laundering at pagsusuri sa mga rekord na may kaugnayan sa pananalapi.

Kinuwestiyon ng prosekusyon kung sapat bang nasuri ng testigo ang mga dokumentong pinagbabatayan ng alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman laban sa Bise Presidente.

Sa pagsusuri ni prosecution forensic accountant Atty. Alexander Cabrera, natukoy ang umano’y P817.87 milyon na hindi naideklarang mga ari-arian at hindi maipaliwanag na yaman na may kaugnayan kina Duterte at sa panahong 2022 hanggang 2025.

Umaasa ang prosekusyon sa mga dokumentong pinansyal at testimonya mula sa mga bangko, kompanya ng seguro at iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan upang suportahan ang kanilang mga alegasyon.

Sa cross-examination, tinanong ni Diokno si Dela Fuente kung nabasa nito ang buong forensic report ni Cabrera at kung personal niyang sinuri ang mga rekord sa bangko at buwis na binanggit sa mga katanungan.

Inamin ng testigo na hindi niya nabasa o nasuri ang mga naturang dokumento.

Ipinaliwanag naman ni Dela Fuente na nakatuon lamang ang kanyang mga sagot sa mga legal na pamantayan at sa ilang bahagi ng mga dokumentong ipinakita sa kanya.

Inamin din niyang hindi niya nabasa ang Article II ng impeachment complaint bago siya tumestigo.

Samantala, tinanong din ni Senator-Judge Joel Villanueva kung anong ebidensiya ang nag-uugnay sa mga foreign remittance na natanggap ng Cale88 sa aktuwal na pagbebenta ng mga produktong iniluluwas sa ibang bansa.

Binigyang-diin ni Dela Fuente na kinakailangan ang mga kaukulang dokumento at kontrata upang mapatunayan ang mga naturang transaksyon.