Adiong Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong

Cale88 posibleng maharap sa reklamong panggagawa — Alonto Adiong

91 Views
Adiong1
DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo
Kuha ni JOSEPH MUEGO
(NOTE: ETONG RODOLFO LANG KAY MUEGO)

POSIBLENG maharap sa hiwalay na reklamong pangpaggawa o labor complaint ang Cale88 Foods Corp., isang kumpanyang nagluluwas ng banana chips na dating bahagyang pag-aari ng asawa ni Vice President Sara Z. Duterte, matapos lumitaw sa mga rekord ng kumpanya na umaabot lamang sa humigit-kumulang P75 kada araw ang sahod ng mga manggagawa nito, ayon sa isang tagapagsalita ng prosekusyon ng Kamara nitong Biyernes.

Kinuwestiyon ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang mga talaan ng sahod na isinumite ng Cale88 sa Board of Investments (BOI).

Ayon sa mga dokumento, may 115 manggagawa ang kumpanya ngunit P3.112 milyon lamang ang kabuuang inilaan nito para sa kanilang taunang sahod at kompensasyon.

Batay sa mga naturang bilang, kung pantay-pantay na hinati ang kabuuang sahod sa lahat ng empleyadong nagtrabaho sa buong taon, katumbas ito ng P27,061 kada manggagawa sa isang taon o humigit-kumulang P2,255 kada buwan.

“Katumbas lamang ito ng P75 kada araw. Napakalayo nito sa itinakdang minimum na sahod sa ilalim ng umiiral na wage order,” pahayag ni Alonto Adiong sa isang press briefing.

Inihambing niya ang halagang ito sa pang-araw-araw na minimum na sahod sa Rehiyon ng Davao, na ayon sa kanya ay P448 para sa mga regular na manggagawa.

“Kung gayon, napakalayo nito sa itinakdang P448 kada araw na dapat ibinabayad sa mga regular na empleyado,” aniya.

Nang tanungin kung maaaring maging batayan ang pagkakaibang ito upang magsampa ng hiwalay na reklamong pangpaggawa, sinabi ni Alonto Adiong na posible ito.

“Opo, maaari, dahil gaya nga ng sinabi ko, may direktang paglabag sa kautusang nagtatakda ng minimum na sahod sa ilalim ng panrehiyong wage order,” aniya.

Binigyang-diin niya na ang mga naturang datos ay nagmula mismo sa mga dokumentong isinumite ng Cale88 sa BOI.

“Batay sa kanilang isinumite, mayroon daw silang 115 empleyadong kinuha sa Cale88. Ngunit ang kabuuang taunang sahod para sa lahat ng 115 empleyado ay P3 milyon lamang,” paliwanag niya.

Lumabas ang usapin habang nagbibigay ng testimonya si Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo bilang saksi ng depensa sa impeachment court ng Senado.

Tinalakay niya ang pagpaparehistro ng Cale88 sa pamahalaan, mga operasyon nito sa pagluwas ng produkto at mga insentibong ipinagkaloob dito bilang kumpanya.

Kinuwestiyon din ni Alonto Adiong kung masusing sinuri ang mga talaan ng sahod bago pinagkalooban ang kumpanya ng rehistro at mga insentibo mula sa BOI.

“Sa aking palagay, may paglabag. Hindi ko alam kung maaari rin itong maging batayan para kanselahin ang kanilang sertipikasyon,” aniya.

Samantala, kinuwestiyon naman ni House impeachment prosecutor at Manila Rep. Joel Chua ang mga ebidensiyang iniharap ng depensa tungkol sa aktuwal na operasyon ng Cale88 noong panahong may 47.5 porsiyentong pagmamay-ari sa kumpanya si Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Duterte.

Ayon kay Chua, ipinakita sa mga larawang iniharap sa pagdinig ang operasyon ng kumpanya sa ilalim ng bagong pamunuan noong 2026, sa halip na ang kalagayan nito noong may bahagi pa sa pagmamay-ari si Carpio.

“Ngunit nilinaw nila na ang mga larawang ito ay nagpapakita ng kalagayan ng kumpanya sa kasalukuyan, matapos magpalit ng pamunuan ngayong 2026,” aniya.

“Pero iyong mga naunang operasyon, noong si Atty. Mans Carpio pa ang bahagi ng Cale88, wala naman silang ipinakitang ebidensiya,” dagdag niya.

Kinuwestiyon din ng prosekusyon ng Kamara kung sapat ang bilang ng mga manggagawa at kapasidad sa produksyon ng Cale88 upang suportahan ang iniulat nitong kita at mga transaksiyong pinansyal, kabilang ang hindi bababa sa P319 milyon na mga remittance mula sa China.

Kabilang ang Cale88 sa mga negosyong sinusuri bilang bahagi ng kaso ng prosekusyon hinggil sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P817.87 milyon na iniuugnay kay Duterte.

Samantala, sinisikap patunayan ng panig ng depensa na lehitimong kumpanyang nagluluwas ng produkto ang Cale88, na may dokumentadong operasyon at mga insentibong inaprubahan ng pamahalaan.