Aquino

Bam hiniling sa gobyerno na vendors, maliliit na negosyo alalayan

169 Views

HINIMOK ni Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino ang mga ahensya ng gobyerno na dagdagan at paigtingin ang tulong sa vendors at maliliit na negosyante.

Marangal ang kanilang hanapbuhay pero hirap pa rin silang buhayin ang pamilya, ayon sa senador.

Binanggit niya ang 7.8 porsiyentong inflation at ang 5.4 porsyentong unemployment rate.

Ayon sa senador, dapat tingnan ng pamahalaan kung paano tinatamaan ng mga numerong ito ang araw-araw na buhay ng ordinaryong Pilipino.

Pinakikilos ni Aquino ang mga kinauukulang ahensiya na maglatag ng kongkretong hakbang para sa mga sektor na lampas sa poverty threshold pero kinakapos pa rin, lalo na ang vendors at maliliit na negosyo.

Ang poverty threshold ay ang pinakamababang kitang kailangan ng isang pamilya para sa pangunahing pangangailangan.

Ipinaliwanag niya na naiipit ang maliliit na negosyante sa pagtaas ng presyo ng paninda, puhunan at gastos sa operasyon. Nanganganib naman ang kanilang kita kapag matumal ang benta at kakaunti ang mamimili.

“Kapag humihina ang negosyo at kumokonti ang bumibili, nanganganib ang kita at trabaho,” ani Aquino.

Dagdag niya, nag-aalala ang mga magulang na vendor at maliliit na negosyante kung may maihahain sa mesa, may baon ang mga anak, at paano kung may magkasakit sa pamilya.

Bukod sa dagdag na tulong, tatlong panukalang batas sa buwis ang isinusulong ni Aquino. Aniya, layon ng mga ito na lumaki ang naiuuwing kita ng mga manggagawa at gumaan ang gastusin ng pamilya.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 267, itataas sa P480,000 ang annual personal income tax exemption cap.

Ayon kay Aquino, mas malaki ang maiuuwing sahod ng mga manggagawa para sa pangangailangan ng pamilya sa gitna ng humihinang piso at tumataas na presyo ng pagkain, petrolyo at iba pang bilihin.