Calendar
3 kelot nagkunyaring bebot sa socmed, binatang ka-eyeball hinoldap
Tatlo sa apat na lalaking nagpanggap na babae sa social media ang arestado matapos nilang holdapin ang isang 31-anyos na binata na nakipag-eyeball sa kanila sa Cubao, Quezon City, Martes ng gabi.
Kinilala ang mga naarestong suspek sa mga alyas na “Marc,” 26; “Albert,” 46; at “Bendo,” 38, habang tinutugis pa ang nakatakas nilang kasamahan na si alyas “Pablo.”
Sa ulat ng Cubao Police Station (PS 7) ng Quezon City Police District (QCPD), nagkasundo ang biktima at ang mga suspek na magkita dakong alas-11:40 ng gabi sa kanto ng G.H. Del Pilar at Don Jose Street, Brgy. San Roque.
Pagdating sa lugar, agad umanong pinalibutan ng apat na suspek ang biktima at nagdeklara ng holdap.
Tinangay ng mga suspek ang dalawang cellphone na nagkakahalaga ng P10,500 at pitakang may lamang P500.
Hindi pa nakuntento, tinangay rin umano ni Pablo ang Yamaha Mio na motorsiklo ng biktima bago tumakas.
Agad namang rumesponde ang mga nagpapatrulyang pulis at nadakip ang tatlong suspek, habang nakatakas si Pablo kasama ang motorsiklo.
Narekober sa mga naaresto ang dalawang cellphone at pitaka ng biktima.
Nasamsam din sa mga suspek ang isang sling bag, dalawang improvised pen gun na may mga bala, folding knife at ice pick.
Inihahanda na ang kasong robbery laban sa tatlong suspek habang nagpapatuloy ang pagtugis sa kanilang kasamahan.

