DMW

Cacdac: 19 Pinoy sa tinamaang LPG tanker ligta na nailikas

Jun I Legaspi Nov 20, 2026
98 Views

KINUMPIRMA ng Department of Migrant Workers (DMW) na ligtas ang 19 na Pilipinong tripulante ng liquefied petroleum gas (LPG) tanker na MT Gas Husky na tinamaan ng drone attack noong Nob. 17 sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Bulgaria sa Black Sea.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, ligtas na nailikas lahat ng tripulante bago tuluyang lumubog ang barko mula sa pag-atake.

“Na-disembark sila in the right time. Everybody ay ligtas, buhay at naisakay sa life raft at mayroong helicopter na sumagip sa kanila, sabi ni Cacdac.

Nakikipag-ugnayan ang DMW sa embahada ng Pilipinas sa Bucharest upang matiyak ang agarang pagbibigay ng kinakailangang tulong sa 19 na tripulantes, statutory compensation, at repatriation assistance para sa kanilang ligtas na pagbabalik sa Pilipinas.

Tumutulong din ang manning agency sa pagtugon sa mga agarang pangangailangan ng mga nasagip na tripulante.

Ibinahagi rin ni Secretary Cacdac na naganap ang pag-atake sa labas ng kasalukuyang high-risk zone sa Black Sea. Apat na insidente na rin ng pag-atake sa mga barko sa rehiyon ang namonitor ng DMW.

Dahil dito, isusulong ng DMW ang rekomendasyon sa International Bargaining Forum (IBF) na muling pag-aralan ang saklaw ng mga high-risk at war-like zones upang maisama sa pagsusuri ang southwestern portion ng Black Sea.

“Northern Black Sea lang kasi ang covered ng high-risk and war-like zones so we really need, we will recommend to International Bargaining Forum na pag-aralan itong sa southwestern part,” dagdag ni Secretary Cacdac.