LPA Larawan: PAGASA/FB

Walang binabantayang LPA; ilang lugar asahan ang pag-ulan

140 Views

Walang namomonitor na Low Pressure Area (LPA) na posibleng maging bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) bandang alas-8 ng umaga nitong Sabado, Nobyembre 21, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Gayunman, makararanas ng maulap na kalangitan at mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa dahil sa shear line, northeast monsoon o amihan, Intertropical Convergence Zone (ITCZ), at easterlies.

Inaasahan ang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa mainland Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora at Quezon dahil sa shear line. Makakaranas din ng kaparehong kondisyon ang Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, BARMM at Palawan dahil sa ITCZ, gayundin ang Eastern Visayas at ilang bahagi ng Bicol Region dahil sa easterlies.

Pinag-iingat ang mga residente sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan. Pinapayuhan din ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso ng PAGASA para sa mga susunod na pagbabago sa lagay ng panahon.