Banca Source: PCG Palawan District/FB

22 sakay ng bangkang nagkaaberya, nasagip sa Palawan

110 Views

NASAGIP ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 22 indibidwal matapos magkaaberya ang sinasakyang motor banca na MBCA Ocean’s Wanderer, may pitong nautical miles mula sa Coron Bay, Coron, Palawan, noong Nobyembre 19.

Bandang alas-10:55 ng gabi nang matanggap ng Coast Guard Station North Eastern Palawan (CGSNEP) ang distress report at agad magpadala ng search and rescue (SAR) team sakay ng MBCA Super RR.

Natagpuan ang bangka bandang alas-11:49 ng gabi na palutang-lutang sa dagat.

Ligtas na nailipat sa rescue vessel ang lahat ng 22 sakay, kabilang ang mga pasahero, tripulante at kapitan. Hinila rin ang naantalang bangka patungo sa Port of Coron, kung saan ligtas silang nakarating bandang alas-12:33 ng madaling araw noong Nobyembre 20.

Ayon sa paunang imbestigasyon, nasira ang rope link na nakakabit sa propeller shaft ng bangka kaya nawalan ito ng propulsion habang bumibiyahe mula El Nido patungong Coron. Nasa maayos na pisikal na kondisyon ang lahat ng nasagip, na kinabibilangan ng mga Pilipino at dayuhang turista.

Patuloy na iniimbestigahan ng Coast Guard ang insidente. Iimbitahan din ang kapitan, mga tripulante at tour guide para sa karagdagang pagtatanong at maglalabas ng Enforcement Inspection and Apprehension Report kaugnay ng insidente.