Dolor

Proteksyon, pangangalaga sa karapatan ng mga batang Mindoreño, tiniyak ni Gov. Dolor

Helen D. Prado Nov 22, 2026
89 Views

LUNGSOD ng Calapan — Tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan ang proteksyon at pangangalaga sa karapatan ng bawat batang Mindoreño sa idinaos na Provincial Children’s Congress 2026 sa Vencio’s Garden Hotel and Restaurant, Brgy. Tawiran noong Sabado.

Pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang pagtitipon bilang bahagi ng National Children’s Month 2026 na may temang, “Manindigan! Tumugon at Kumalinga: Sa Batang Handa Mas Ligtas ang Bansa.”

Layunin ng kongreso na bigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na makilahok sa mga talakayan at malayang maipahayag ang kanilang saloobin hinggil sa mga isyung nakaaapekto sa kanilang kapakanan.

Inilatag ni Gob. Humerlito “Bonz” A. Dolor ang mga hakbang at mahahalagang datos ng Kapitolyo na magsisilbing basehan sa pagbuo ng mga bagong programa para sa kaligtasan ng mga bata sa buong probinsya.

Nagbigay rin ng oryentasyon si Child Protection Specialist Nanette M. Macaguiwa upang imulat ang mga kabataan sa iba’t- ibang banta sa kanilang seguridad, kabilang na ang Nihilistic Violent Extremism (NVE).

Dumalo sa aktibidad sina Vice Gov. Antonio S. Perez, Jr., Board Member Farrah Faye Ilano-Navarro, First Lady Hiyas Govinda Ramos-Dolor at mga kasapi ng Provincial Council for the Protection of Children.

Nagtapos ang programa sa paghahalal ng bagong child representative na opisyal na uupo bilang kinatawan ng mga kabataan sa PCPC.