Calendar
Tiwala ng investors babalik sa mahigpit na pagsusuri ng budget–Gatchalian
MAS hinihigpitan ng Senado ang pagsusuri sa mga proyektong pang-imprastraktura sa panukalang 2027 budget para maibalik ang tiwala ng mga dayuhang mamumuhunan, ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian.
Kasabay ito ng pagbaba ng foreign direct investment (FDI) o ang perang inilalagak ng mga dayuhang kumpanya sa mga negosyo sa Pilipinas.
“Investor confidence is built on trust,” wika ni Gatchalian.
Dapat mapunta lamang ang pera ng bayan sa mga proyektong “with verifiable economic value,” o may napapatunayang pakinabang sa ekonomiya.
Bumaba ang FDI pangunahin dahil mas kaunti ang ipinautang ng mga dayuhang kumpanya sa kanilang mga sangay at kasosyong kumpanya sa bansa. Iniugnay din ng ilang ekonomista ang paghina ng dayuhang puhunan mula noong isang taon sa pangamba ng mga investor sa mga isyu ng pamamahala kaugnay ng kontrobersiya sa flood control.
Tumaas naman ang FDI noong Agosto sa $690 milyon, mas mataas ng 24.9 porsiyento kaysa noong Agosto 2025.
Inanunsiyo ni Gatchalian na aalisin sa 2027 budget ang 295 proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na may kabuuang halagang P8.836 bilyon.
Patuloy pang susuriin ng mga senador ang iba pang proyekto, ani Gatchalian.
“Importante na mapalakas natin ang tiwala ng mga mamumuhunan kapag naipakita natin na seryoso ang gobyerno sa pagpapalakas ng ekonomiya sa pamamagitan ng mga tamang imprastraktura na pakikinabangan ng lahat,” dagdag niya.
Kasalukuyang tinatalakay ng Senado ang 2027 budget.

