NAIA

New NAIA Infra Corp. napuri sa pagpwesto ng NAIA sa 47th place sa best airports list

Jun I Legaspi Nov 24, 2026
93 Views

PINURI ng Office for Transportation Security (OTS) ang New NAIA Infra Corp. (NNIC) matapos makuha ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 47th spot sa World’s Best Airports list ng TIME Magazine sa buong mundo.

Mahalagang pagkilala ang natanggap ng NAIA, lalo na kung isasaalang-alang ang mga hamong hinarap nito sa mga nakalipas na taon, ayon sa OTS.

Binigyang-diin ng OTS ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga pribadong operator ng paliparan, mga ahensya ng pamahalaan at iba pang mga katuwang sa industriya ng abyasyon alinsunod sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na tiyaking kasabay ng pagpapahusay sa operasyon ng mga paliparan ang pagpapatibay ng mga hakbang sa seguridad.

“Ang pagkakasama ng NAIA sa TIME’s World’s Best Airports list ay isang positibong pagkilala sa mga pagbabagong isasakatuparan sa pamamagitan ng Public-Private Partnership,” ani Secretary Dizon.

Naging malinaw ang bisa ng ganitong kooperasyon sa matagumpay na pagdaraos ng ika-49 na ASEAN Summit gayundin sa isinagawang magkasanib na security assessment ng OTS at United States Transportation Security Administration (US TSA), na nagtapos nang walang anumang security findings.

Ayon kay OTS Administrator Undersecretary Gilberto DC Cruz, ang patuloy na pagbabago at pag-unlad ng NAIA ay isang sama-samang responsibilidad.

Kasabay ng patuloy na pag-unlad ng NAIA, nananatiling nakatuon ang OTS sa pakikipagtulungan sa NNIC at iba pang katuwang na organisasyon upang maisakatuparan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga manlalakbay at maprotektahan ang sektor ng civil aviation ng bansa.