Mark Source: PNP

SEC at BSP, hinimok na higpitan bantay sa online lending apps

72 Views

Paiimbestigahan ni Senador Mark Villar sa Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies, na kanyang pinamumunuan, ang mga online lending app (OLA) dahil sa mga reklamo ng sobrang taas na interes at pangha-harass sa mga nangungutang.

Kasabay nito, hinimok niya ang Securities and Exchange Commission (SEC) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na higpitan ang pagbabantay sa mga OLA. Inilahad ito ni Villar sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 national budget.

Ayon sa senador, dumarami ang lumalapit sa kanyang opisina para magreklamo. Marami aniya sa mga nangungutang sa OLA ay hindi mayaman at gipit na sa pera. Nababaon sila sa tinatawag na “tapal system,” o ang pangungutang sa isang app para mabayaran ang utang sa isa pa.

“Marami pong biktima ang lalo pang nalulubog sa utang at nakararanas ng walang tigil na pangungulit at pangha-harass sa pamamagitan ng mga tawag at text mula sa mga online lending apps,” ani Villar.

Ayon sa opisina ni Villar, ipinaliwanag ng SEC na kailangang magparehistro at sumunod sa mga patakaran ang mga online lending company. Naglalabas daw ang komisyon ng mga babala laban sa mga kahina-hinalang nagpapautang, at maaari itong magmulta, magsuspinde o magbawi ng lisensya ng mga lalabag.

Sinabi naman ng BSP, ayon pa rin sa opisina ng senador, na pinaigting nito ang mga patakaran laban sa panloloko sa ilalim ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), na si Villar umano ang pangunahing may-akda. Nakikipag-ugnayan din daw ang BSP sa ibang ahensya at sa mga bangko para pigilan at imbestigahan ang mga financial scam.

“Paiimbistigahan po natin ito sa ating committee sa lalong madaling panahon,” sabi ni Villar.

Naghain na rin si Villar ng Senate Bill 91, ang panukalang Philippine Scam Prevention Center Act, at Senate Bill 92, ang panukalang Enhanced Consumer Act of the Philippines.

Lumutang din ang usapin sa deliberasyon nitong Martes. Ipinaabot ni Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang hiling ng isang sektor na suriin ng BSP at SEC ang laki ng sinisingil ng mga online lending service. Sagot ni BSP Governor Eli Remolona Jr., nakikipag-usap na ang BSP sa SEC kung paano ireregula ang digital lending.

Ayon sa mga naunang ulat, inalis ng SEC noong Hulyo ang halos limang taong pagbabawal sa pagbubukas ng mga bagong online lending app, pero sa ilalim umano ng mas mahigpit na patakaran.