Calendar
Eksperto ng depensa ni VP Sara di kinukuwestiyon pagiging lehitimo ng mga dokumento — prosekusyon
NANININDIGAN ang House prosecution team sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na nananatiling matibay ang mga dokumentong pinagbabatayan ng kanilang alegasyon na umabot sa ₱817.87 milyon ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente.
Ayon kay House private prosecutor at legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., hindi kinuwestiyon ng eksperto sa anti-money laundering na iniharap ng kampo ni Duterte ang pagiging tunay at balido ng mga dokumentong pinagbabatayan ng pagsusuri ng prosekusyon.
Binigyang-diin ni Atty. Tolosa na hindi direktang pinasinungalingan ng testigo ng depensa ang mga dokumentong ginamit ng forensic accountant na si Atty. Alexander Cabrera sa pagtukoy sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.
Kabilang sa mga dokumentong ito ang mga rekord ng bangko, ulat ng mga transaksyon mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at iba pang kaugnay na dokumento.
Noong Nobyembre 19, iniharap ng depensa si Atty. Rainer Dela Fuente, isang abogado at certified public accountant, upang talakayin ang mga prinsipyo ng anti-money laundering at kuwestiyunin ang pagsusuri ni Cabrera sa mga rekord pinansyal ng Bise Presidente.
Gayunman, sa isinagawang pagtatanong ng prosekusyon, inamin umano ni Dela Fuente na hindi niya nabasa ang kabuuang forensic report ni Cabrera bago siya tumestigo.
Inamin din ni Tolosa hindi niya nasuri ang kumpletong ulat, mga bank statement, dokumento sa buwis at mga rekord ng korporasyon na pinagbabatayan ng mga kalkulasyon ng prosekusyon.
Dahil dito, sinabi ni Tolosa na limitado ang kakayahan ng eksperto ng depensa na suriin at kuwestiyunin ang mga partikular na kalkulasyong ginawa ng forensic accountant.
Nauna nang inilahad ni Cabrera sa impeachment court na batay sa kaniyang pagsusuri, umabot sa hindi bababa sa ₱817 milyon hanggang ₱1.5 bilyon ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman na iniuugnay kay Duterte.
Ayon sa prosekusyon, nagmula ang mga kalkulasyon sa mga opisyal na dokumentong nagpapakita umano ng pagkakaiba sa pagitan ng mga idineklarang ari-arian at pananagutang pinansyal ni Duterte at ng mga transaksyon sa mga account at kumpanyang iniuugnay sa kaniya at sa kaniyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Nauna nang tinanggap ng Senate Impeachment Court bilang ebidensya ang mga rekord pinansyal mula sa mga bangko, AMLC at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Gayunman, nilinaw ng hukuman na ang pagtanggap sa mga dokumento bilang ebidensya ay hindi awtomatikong nangangahulugang napatunayan na ang mga alegasyon ng prosekusyon.
Samantala, patuloy na kinukuwestiyon ng depensa ang pamamaraan ng pagsusuri ni Cabrera, ang pag-uugnay sa mga transaksyon ng mga korporasyon kay Duterte at ang interpretasyon sa mga kahina-hinalang aktibidad pinansyal.
Nasa kapangyarihan ng Senate Impeachment Court na timbangin ang mga ebidensyang inihaharap ng magkabilang panig bago maglabas ng kaukulang desisyon.
Sa kabila nito, sinabi ni Tolosa na nasisiyahan ang prosekusyon sa takbo ng mga pagdinig sa ngayon.
Ang natitirang kasong nakapaloob sa Article II ng impeachment complaint ay may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, hindi tumpak na deklarasyon ng mga ari-arian at ipinagbabawal na interes sa negosyo ni Duterte.
Patuloy namang itinatanggi ng kampo ng Bise Presidente ang mga alegasyong ito.
To God be the Glory

