LMP, DBM nagkasundo sa makatarungang pagsusuri sa CNA incentives ng mga LGU

Mar Rodriguez Nov 25, 2026
74 Views

MALUGOD na tinanggap ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) ang kasunduan nito sa Department of Budget and Management (DBM) na magtatatag ng patas at malinaw na mekanismo sa pagsusuri sa mga lokal na pamahalaang naapektuhan ng pagpapatupad ng FY 2026 Collective Negotiation Agreement (CNA) Incentive Guidelines.

Nabuo ang kasunduan kasunod ng dayalogo sa pagitan ng mga opisyal ng LMP at ni DBM Secretary Kim Robert C. De Leon, kung saan inilahad ng mga lider-munisipalidad ang kanilang pangamba sa ilang probisyon ng nasabing guidelines.

Ayon sa LMP, may mga pagkakataong naaantala ang pagpapatupad ng mga proyektong pangkaunlaran dahil sa mga sitwasyong hindi kontrolado ng mga lokal na pamahalaan. Dahil dito, nangangamba silang maapektuhan ang pagbibigay ng CNA Incentive sa mga empleyado ng munisipalidad.

Sa ilalim ng napagkasunduan, bibigyan ng pagkakataon ang mga apektadong local government units (LGUs) na ipaliwanag ang mga dahilan ng pagkaantala ng kanilang mga proyekto. Maaari rin silang magsumite ng mga kaukulang dokumento at mga hakbang na ginagawa upang makahabol sa implementasyon.

Ang mga paliwanag at dokumentong isusumite ng mga LGU ay susuriin batay sa umiiral na mga batas at regulasyon.

Nagpasalamat naman ang LMP kay Secretary De Leon sa pagiging bukas nito sa pakikipagdayalogo at pakikinig sa mga hinaing ng mga lokal na lider upang makahanap ng praktikal at makatarungang solusyon.

Binigyang-diin ng organisasyon na mahalagang mapanatili ang balanse sa pagitan ng pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan at makatarungang pagtrato sa mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa LMP, sinusuportahan nila ang responsableng pamamahala sa pananalapi ng gobyerno at maagap na pagpapatupad ng mga proyekto, subalit hindi nararapat na mawalan ng benepisyo o maparusahan ang mga empleyado dahil lamang sa mga pagkaantalang hindi naman nila kontrolado.

Iginiit din ng organisasyon na dapat mabigyan ng sapat na konsiderasyon ang mga kawani ng munisipalidad na patuloy na naghahatid ng mahahalagang serbisyo sa kanilang mga komunidad.

Inaasahang makatutulong ang napagkasunduang mekanismo upang matiyak na ang bawat munisipalidad ay masusuri batay sa aktuwal nitong kalagayan at mga hamong kinakaharap sa pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran.

Samantala, pinagtibay ng LMP ang patuloy nitong pakikipagtulungan sa DBM upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga kawani ng lokal na pamahalaan, mapalakas ang maayos na pamamahala sa pananalapi at matiyak na nagagamit nang wasto ang pondo ng bayan para sa mga proyekto at serbisyong pampubliko.

Pinamumunuan ang LMP ni Mayor Faustino “Inno” Arcega Dy V ng Echague, Isabela, na nagsisilbing National President ng organisasyon para sa 2025–2028 term.

**Binigyang-diin ng LMP na hindi layunin ng kanilang panawagan na pahinain ang mga pamantayan sa pananagutan, kundi matiyak na ang mga ito ay naipatutupad nang patas, makatarungan at isinasaalang-alang ang tunay na kalagayan ng bawat lokal na pamahalaan.