Poe

Poe ikinalugod pagpirma ni PBBM sa basic education voucher assistance act

Mar Rodriguez Nov 25, 2026
74 Views

IKINALUGOD ni FPJ Panday Bayanihan Partylist Rep. Brian Poe ang paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Republic Act No. 12327 o “Basic Education Voucher Assistance Act” na naglalayong bigyan ng mas maraming pagpipilian ang mga magulang sa pagpili ng paaralan para sa kanilang mga anak.

Ayon kay Poe, isa siya sa mga kapwa may-akda ng House Bill No. 4744 na nagsusulong ng naturang programa upang mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming pamilyang Pilipino na makapili ng paaralang angkop sa pangangailangan ng kanilang mga anak.

Ipinaliwanag ng kongresista na malaking tulong ang bagong batas, partikular sa mga lugar na kulang ang silid-aralan, siksikan ang mga pampublikong paaralan o walang malapit na paaralang maaaring pasukan ng mga estudyante.

Sa ilalim ng bagong batas, maaaring makatanggap ng voucher assistance ang mga kwalipikadong mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 12 upang makatulong sa pagbabayad ng gastusin sa pag-aaral sa mga pribadong paaralang kabilang sa programa.

Binigyang-diin ni Poe na mahalagang matiyak na hindi lamang maipatutupad ang programa kundi magiging madaling mapakinabangan din ito ng mga pamilyang nangangailangan.

Aniya, dapat malinaw sa mga magulang kung saan maaaring mag-apply, anu-anong paaralan ang tumatanggap ng voucher at magkano ang maaari pa nilang kailangang bayaran para sa edukasyon ng kanilang mga anak.

Hinimok din niya ang mga kinauukulang ahensya na tiyaking matatanggap sa tamang panahon ng mga kalahok na pribadong paaralan ang kanilang bayad mula sa programa upang maipagpatuloy ng mga ito ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral.

Ayon kay Poe, sa pamamagitan ng batas ay mas maraming bata ang magkakaroon ng pagkakataong makapasok sa paaralan at mas maraming magulang ang magkakaroon ng kalayaang pumili ng institusyong pang-edukasyon na angkop sa kakayahan at pangangailangan ng kanilang pamilya.

Binigyang-diin ng kongresista na ang pangunahing layunin ng Basic Education Voucher Assistance Act ay mapalawak ang oportunidad sa edukasyon at matulungan ang mga pamilyang Pilipino na mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.

To God be the Glory