Sandro Marcos

Pagbabawal makadalo sa graduation sa mga estudyanteng kapos pasado sa 3rd reading sa Kamara

Mar Rodriguez Nov 26, 2026
58 Views

INAPRUBAHAN ng House of Representatives sa ikatlong pagbasa ang panukalang batas na naglalayong protektahan ang mga graduating student na kapos sa buhay laban sa pagbabawal na makadalo sa graduation ceremony dahil sa hindi pa nababayarang obligasyon sa paaralan.

Sa botong 234 pabor, inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 11579 o ang panukalang “Kapakanan ng Magsisipagtapos Act.”

May-akda ng panukala sina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.

Pinangunahan ni Marcos ang pag-usad ng panukala sa Kamara alinsunod sa tagubilin ng Speaker.

Kabilang din sa mga may-akda sina Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, Agimat Party-list Rep. Bryan Revilla, Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado-Revilla, Cavite 1st District Rep. Ramon Jolo Revilla III, Parañaque City 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan at Tarlac 3rd District Rep. Noel “Bong” Rivera.

Layunin ng panukala na matiyak na ang mga estudyanteng nakumpleto na ang lahat ng kanilang akademikong requirements ay mabibigyan ng pagkakataong makadalo at makapagmartsa sa kanilang graduation ceremony kahit mayroon pa silang hindi nababayarang obligasyong pinansyal o pananagutan sa paaralan.

Saklaw ng panukala ang mga pampubliko at pribadong higher education institution, kabilang ang state universities and colleges at local universities and colleges, gayundin ang mga technical-vocational institution na nag-aalok ng mga kursong higit sa isang taon.

Sa ilalim ng panukalang batas, hindi maaaring pagbawalan ng mga paaralan ang isang kwalipikadong graduating student na lumahok sa graduation ceremony dahil lamang sa hindi pa nababayarang tuition fee, miscellaneous fees, o pananagutan dahil sa pagkawala o pagkasira ng ari-arian ng paaralan.

Para naman sa mga estudyanteng nakararanas ng matinding kahirapang pinansyal dahil sa kalamidad, emergency o iba pang makatwirang dahilan, kinakailangan silang kumuha ng sertipikasyon mula sa kanilang local social welfare and development officer o sa regional office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Mananatili sa mga paaralan ang karapatang humingi ng promissory note, pansamantalang ipagkait ang diploma at iba pang academic records hanggang mabayaran ang obligasyon, at magsagawa ng iba pang legal na hakbang upang masingil ang mga hindi pa nababayarang bayarin.

Maaari rin namang kusang-loob na payagan ng mga institusyon ang mga estudyante na makadalo sa graduation at ilabas ang kanilang academic credentials kahit walang certification o promissory note.

Ang mga institusyong mapatutunayang lumabag sa magiging batas ay maaaring patawan ng administrative sanctions ng Commission on Higher Education (CHED) o Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), depende sa uri ng institusyon.

Binigyang-diin ng panukala na hindi dapat pagkaitan ang mga estudyante at kanilang pamilya ng pagkakataong ipagdiwang ang pagtatapos na bunga ng maraming taon ng pagsisikap, sakripisyo at akademikong tagumpay, dahil lamang sa kanilang kalagayang pinansyal.