Kelot binenta nenok na gadgets sa socmed, tiklo

83 Views

ARESTADO ang isang 22-anyos na lalaki matapos makita sa social media na ibinebenta ang mga ninakaw na cellphone at AirPods ng dalawa niyang roommate sa isang condominium sa Novaliches, Quezon City.

Nasakote ang suspek na kinilalang alyas “Jan” sa isang mall sa Bacoor City, Cavite, kung saan nabawi rin ang mga ninakaw na gadgets.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), natuklasan ng dalawang biktima dakong alas-10:30 ng umaga nitong Nobyembre 25 na nawawala ang kanilang mga gamit nang magising sila.

Nawawala ang Redmi Note 15 Pro 5G cellphone na nagkakahalaga ng P23,999 ng isa sa mga biktima at Apple AirPods 3 na nagkakahalaga naman ng P13,490 ng isa pa.

Napansin din nilang wala na sa condominium ang kanilang kapwa tenant na kalaunan ay itinuro nilang suspek sa pagnanakaw.

Sa pagsisiyasat, nakakita umano ang mga biktima ng impormasyon sa Facebook na ibinebenta ng suspek ang nawawalang cellphone.

Nang matunton ang kinaroroonan nito sa Bacoor City, nakipagkita ang mga biktima sa isang testigong kasama ng suspek sa isang mall.

Humingi sila ng tulong sa mall security na siyang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad hanggang sa maaresto ang suspek at maiharap sa Pasong Putik Police Station para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso.