Kamara nakiramay sa pamilya ng yumaong ex-CamNor rep

Mar Rodriguez Nov 27, 2026
54 Views

NAGKIRAMAY ang liderato ng Kamara Representantes sa pamilya at mga mahal sa buhay ng dating Camarines Norte Representative na si Casimiro “Roy” Aquino Padilla Jr. na pumanaw kamakailan.

Sa pamamagitan ng House Resolution No. 1657 na inihain nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, Majority Floor Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos at Minority Floor Leader Marcelino Libanan, ipinahayag ng Kamara ang kanilang pakikiramay sa pamilya ng yumaong mambabatas.

Sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang kongresista noong 11th Congress, naghain si Padilla ng ilang mahahalagang panukalang batas na naglalayong mapabuti ang iba’t ibang sektor ng bansa.

Kabilang sa mga panukalang kanyang inihain ang House Bill No. 7191, na naglalayong mabigyan ng benepisyo sa pagreretiro sa ilalim ng Republic Act No. 910, na may mga susog, ang mga abogado ng Public Attorney’s Office (PAO).

Inihain din nito ang House Bill No. 7193 na naglalayong protektahan ang karapatang reproduktibo ng kababaihan, House Bill No. 7194 na naglalayong amyendahan ang Salary Standardization Law at House Bill No. 7458 na naglalayong isulong ang mabilis at pinagsamang pagpapaunlad ng industriya ng palay sa bansa.

Itinaguyod din ni Padilla ang pagtatatag ng mga livelihood at training assistance center sa iba’t ibang munisipalidad sa Camarines Norte upang mabigyan ng karagdagang oportunidad sa kabuhayan at pagsasanay ang mga mamamayan.

Bago pumasok sa Kongreso, nagsilbi si Padilla bilang gobernador ng Camarines Norte mula 1988 hanggang 1998 matapos paslangin ang kanyang ama.

Matapos ang kanyang termino bilang kongresista, nagpatuloy rin siya sa paglilingkod bilang bise gobernador ng Camarines Norte.

Pinagtibay ang House Resolution No. 1657 bilang pinagsamang resolusyon kasama ang House Resolution Nos. 1626 at 1650.

Sa pamamagitan ng resolusyon, kinilala ng Kamara ang naging paglilingkod at kontribusyon ni Padilla sa lehislatura.