Catapang

Catapang: Pinalayang PDLs tinulunga sa pamahase, may gratuity assistance

54 Views

IPINALIWANAG ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang mga usaping ibinangon ni Senador Raffy Tulfo sa mga talakayan hinggil sa panukalang 2027 budget ng Department of Justice (DOJ), partikular na ang tulong sa pamasahe at gratuity assistance para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) na pinalaya na.

Sa isang liham kay Senador Tulfo, sinabi ni Catapang na nagsagawa ang BuCor ng beripikasyon kasunod ng mga reklamong ipinarating ng mga dating PDL sa pamamagitan ng programa ng senador.

Gayunman, ipinakita sa mga rekord ng BuCor at mga panayam bago ang pagpapalaya na natanggap ng mga naturang indibidwal ang tulong at sumailalim sa mga kinakailangang proseso ng pagpapalaya.

Ang unang pinalayang PDL na si Antonio Nogra ay nagreklamo sa programang Wanted sa Radyo noong Pebrero 6, 2025.

Sa liham na ipinadala ng BuCor sa tanggapan ni Senador Tulfo noong Pebrero 22, 2025, iniulat na nakatanggap si Nogra ng tulong pinansiyal para sa pamasahe at ini-refer sa mga programang pangkabuhayan ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang mabigyan ng posibleng tulong pinansiyal.

Inalok din siya ng trabaho sa pamamagitan ng BP One Food Corporation ngunit tinanggihan niya ito dahil mas pinili niyang maglingkod sa The Lord Jesus Ministry.

Ipinakita rin sa mga rekord na nakumpleto ni Nogra ang kinakailangang panayam bago ang pagpapalaya. Binisita siya ng mga tauhan ng BuCor noong Disyembre 28, 2024 at Enero 2, 2025. Nang palayain siya noong Enero 30, 2025, pormal siyang ipinagkatiwala kay Marites Mesina.

Samantala, kaugnay naman ng ikalawang pinalayang PDL na si Eddie Corre, nagpadala rin ang BuCor ng liham sa tanggapan ng senador noong Mayo 22, 2025.

Ayon sa BuCor, nakatanggap din si Corre ng tulong pinansiyal para sa pamasahe at ini-refer sa kanyang lokal na pamahalaan para sa mga serbisyong pangangalaga at iba pang serbisyong panlipunan matapos siyang mapalaya.

Nakumpleto ni Corre ang proseso ng panayam bago ang kanyang pagpapalaya. Noong Mayo 5, 2025, sinundo siya at pormal na ipinagkatiwala sa kanyang kasamang miyembro ng simbahan na si Pastor Nelson G. Uyad.

Binigyang-diin ni Catapang na salungat sa mga reklamo ang mga rekord ng BuCor na nagsasabing hindi nakatanggap ng tulong sa pamasahe o iba pang tulong matapos mapalaya ang dalawang dating PDL.

Sinabi niyang isinagawa ang beripikasyon upang linawin ang usapin at matiyak ang transparency sa mga serbisyong ibinibigay ng pamahalaan sa mga indibidwal na pinalaya mula sa kulungan.