Calendar
Bebot na kinulong, sinasaktan ng ka-live in nasagip ng NBI-ALDO
NASAGIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation- Alaminos District Office (NBI-ALDO) ang isang babae mula sa pang-aabuso ng kanyang live-in partner noong Nob. 18 matapos humingi ng tulong sa FB page ng NBI.
Nagpadala si alyas Sabel ng private message sa official FB page ng NBI-ALDO na humihingi ng tulong upang makalaya mula sa pambubugbog at pagkulong sa kanya ng kanyang live in partner na si alyas Lito sa isang bar sa Alaminos City, Pangasinan.
Nagpadala rin ang biktima ng mga litrato ng malubhang physical injuries dulot ng pananakit ni Lito.
Nagtungo ang NBI-ALDO sa kinaroroonan ng biktima at inaresto ang kanyang live-in partner dahil sa paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Nakipag-ugnayan naman ang tanggapan sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) upang masiguro ang kaligtasan ni Sabel.
Ipinapakita ng pangyayaring ito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng accessible na communication channels upang mas madali at mas mabilis na maiparating sa mga ahensya ng gobyerno ang kalagayan ng mga biktima ng pang-aabuso.
Pinapaalalahanan ng NBI-ALDO ang publiko sa kahalagahan ng pagsumbong tungkol sa pang-aabuso o pagbabanta sa kaligtasan at ng pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad.

