Chua

Chua: Pagpapawalang-sala kay VP Sara mahirap bigyang-katwiran

Mar Rodriguez Nov 27, 2026
40 Views

BINIGYANG-DIIN ni Manila Rep. Joel Chua, miyembro ng House impeachment prosecution panel, na mahirap bigyang-katwiran ang pagpapawalang-sala kay Vice President Sara Z. Duterte batay sa mga ebidensyang inilahad sa impeachment trial.

Iginiit ni Chua na binigyang-diin ang bigat ng mga dokumento at testimonya na iniharap ng prosekusyon laban sa Bise Presidente.

Ayon kay Chua, kung pagbabatayan ang mga ebidensyang naiprisinta na, magiging mahirap para sa mga senador-hukom na magpasya ng pagpapawalang-sala.

“Kung pagbabasehan po natin ang ebidensyang nakalap ngayon at naipresenta ng depensa, kung ako naman ang nasa sitwasyon ng mga senator-judges, napakahirap pong magdesisyon para sa acquittal dahil ang mga ebidensyang at mga testigong iniharap ng prosekusyon ay talagang mabibigat,” pahayag ni Chua.

Inilahad ng prosekusyon ang resulta ng forensic accounting na tumutukoy sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman at mga hindi idineklarang ari-arian na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P817.87 milyon na may kaugnayan kay Duterte at asawang si Manases “Mans” Carpio mula 2022 hanggang 2025.

Hindi pa dapat magbigay ng pinal na konklusyon dahil mayroon pang mga natitirang testigo na inaasahang ihaharap ng panig ng depensa.

“Hindi pa po natin masasagot iyan dahil bigyan din natin ng benefit of the doubt ang ating depensa. Mayroon pa naman silang ilang testigong ihaharap,” paliwanag niya.

Nagtapos noong Nobyembre 20 ang ika-45 araw ng pagdinig ng impeachment trial matapos talakayin ang mga testimonya kaugnay ng pagpaparehistro at operasyon ng Cale88 Foods Corp., isang kompanyang dating may malaking bahagi ng pagmamay-ari si Carpio.

Ayon kay Chua, ilang pagdinig at testigo na rin ang naiharap ng depensa ngunit sa ngayon ay wala pa umano itong naipapakitang testigong may sapat na bigat upang direktang masagot ang mahahalagang alegasyon ng prosekusyon.

“Ilang trial na sila, ilang testigo na rin ang naiprisenta nila, at sa ngayon ay wala pa rin naman silang naipapakitang testigong may sapat na bigat,” ani Chua

Samantala, patuloy na itinatanggi ng depensa ang mga paratang at iginiit na kailangang suriin ang kabuuan ng kanilang mga ebidensya bago gumawa ng anumang konklusyon.

Kinilala rin ni Chua ang mga batikos na natatanggap ng depensa dahil sa umano’y mabagal na presentasyon ng kanilang mga testigo, lalo na matapos umatras sa pagtestigo ang ilang indibidwal na una nang nakatakdang humarap sa impeachment court at kanselahin ang karagdagang mga petsa ng pagdinig noong Nobyembre.

“Kaya hindi mo masisisi ang ating mga kababayan kung sasabihin nilang dragging at mahina ang presentasyon ng depensa,” pahayag ng mambabatas.

Nakatakdang ipagpatuloy ang mga pagdinig sa Senate Impeachment Court sa Disyembre 1 at inaasahang ihaharap pa ng depensa ang mga natitira nitong testigo.

Umaasa naman si Chua na matatapos na ang proseso bago matapos ang taon.

“Inaasahan po natin na sana pagsapit ng Disyembre ay matapos na ito,” aniya.