Aliaga

El Niño kokontrahin ng SPIPP sa Alliaga

Steve A. Gosuico Nov 27, 2026
108 Views

ALIAGA, Nueva Ecija – May sagot sa El Niño ang bayang ito — ang solar-powered irrigation pump project (SPIPP) na ngayon ay napapakinabangan na, ayon kay Mayor Gilbert Moreno.

Sinabi ng alkalde na siya, kasama si Vice Mayor Aurora Moreno at buong Sangguniang Bayan ay nagtulong-tulong upang maisagawa ang SPIPP na ngayon ay gumagana na sa Brgy. San Carlos.

Binuksan ang proyekto noong Hulyo 2026 sa tinatayang 500 ektaryang bukirin sa Bgys. San Carlos, Bibiclat at ilang bahagi ng Pantoc.

Pinondohan ang proyekto ng P50 million mula sa local funds ng munisipyo, ayon kay Councilor Isidro Respicio, chairman ng Sangguniang Bayan committee on agriculture.

Isang susunod na SPIPP ang nakaprograma para sa 2027 at ito ay nagkakahalaga ng P27 million mula din sa local funds na sasakupin ang apat na barangay kabilang ang Bgy. Pantoc.

Dagdag ni Konsehal Respicio, ang mga proyektong ito ay matagal nang naka-plano kay Mayor Moreno bago pa ang balita ng weather phenomenon sa bansa.