FOI

1st runner up nakuha ng MMDA sa ’26 FOI Awards

Edd Reyes Nov 27, 2026
61 Views

NAKUHA ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 1st runner-up FOI champion sa 2026 Freedom of Information (FOI) Awards sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Ang QR code ng MMDA na nagbibigay sa publiko ng direkta at maginhawang pagkuha ng mga kinakailangang dokumento at iba pang pampublikong rekord ang naging daan upang makamit ng ahensiya ang pagkilala.

Ang nakamit na pagkilala ay nakadagdag sa tagumpay ng MMDA sa programa nila sa FOI kung saan una na silang umani ng tatlong magkakasunod na FOI Champion Awards mula 2018 hanggang 2020.

Si MMDA Deputy Chairman Usec. Frisco San Juan, Jr. ang kumatawan kay Chairman Atty. Don Artes sa pagtanggap ng parangal at siya rin ang nagbasa ng mensahe ng pasasalamat ni Artes kay Philippine Communications Office acting Secretary Lino Cayetano sa ipinagkaloob na pagkilala.

Kinilala rin ng PCO ang Public Affairs Staff ng Public Information Office ng MMDA na si Mary Ann Tanbio, bilang Best FOI Receiving Officer sa awarding ceremony sa Sheraton Manila Hotel sa Pasay City noong Huwebes.