Calendar
Makikita sa larawan (mula sa kaliwa) sina Mdm. Sahar Behairy (Pangulo ng Spouses of the Heads of Mission), Taguig Mayor Lani Cayetano, Pangasinan Fourth District Congresswoman Gina de Venecia, Department of Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro, at Consul Betty L. Ang (Pangulo ng International Bazaar Foundation).
42 bansa nagtipon sa pagkakawanggawa, pagdiriwang ng 60th International Bazaar
NAGTIPON ang 42 bansa hindi sa paligid ng mga mesa ng negosasyon o sa likod ng mga pormal na pahayag, kundi sa mainit at masayang diwa ng pagkakaisa at pagkakawanggawa, sa pagdiriwang ng International Bazaar Foundation, Inc. (IBF) ng makasaysayang ika-60 anibersaryo nito sa SMX Convention Center Aura sa Taguig City.
Itinatag noong 1966, ang International Bazaar ay umunlad sa loob ng anim na dekada at naging natatanging pagtatanghal ng diplomasiyang pangkultura at malasakit sa kapwa.
Pinagtipon ng naturang kaganapan ang sining, mga pagkaing espesyalidad at mga yamang pangkultura ng 42 diplomatikong misyon, kasama ang mahuhusay na likhang-kamay ng mga Pilipino.
Sumasalamin ito sa matagal nang paninindigan ng bazaar na, “Shop Global, Help Local” (Tumangkilik sa mga produkto ng mundo, Tumulong sa mga lokal na mamamayan).
Higit pa sa makulay na pamilihan, nagsisilbing tahimik ngunit mahalagang haligi ng ugnayang pandaigdig ang programa ng Bazaar. Ipinakikita nito na higit na malawak ang saklaw ng diplomasya kaysa sa mga usaping pampamahalaan, lalo na kapag nagkakaugnay ang mga embahada, asawa ng mga diplomatiko at mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran bilang magkakapitbahay at magkatuwang sa pagtulong sa kapwa.
Ang bawat puwesto at bawat pagbili ay nagiging konkretong tulong para sa mga mahihinang sektor ng lipunang Pilipino. Kabilang dito ang pagpopondo sa mga scholarship sa unibersidad para sa mga kabataang kapos sa buhay, tulong medikal para sa mga maysakit, mga kanlungan para sa mga batang inaabuso at pinabayaan, gayundin ang agarang ayuda sa mga komunidad na sinalanta ng mga kalamidad, at iba pa.
Nakiisa sa pagdiriwang bilang Panauhing Pandangal si Pangasinan 4th District Representative at House Committee on Inter-Parliamentary Relations and Diplomacy Chairperson Ma. Georgina P. de Venecia, na nagsisilbi ring Direktor ng IBF. Binigyang-diin niya kung paano nagbibigay ng makataong ugnayan sa pagitan ng mga bansa ang patuloy na pagkakaisa at pagtutulungan ng mga mamamayan.
“Maaaring magbukas ng mga pintuan ang mga tratado at batas, ngunit ang patuloy at taos-pusong pagkilos ang tunay na nakapagpapagaling at nakapagbabago ng buhay,” ani De Venecia.
Idinagdag niya na sa pagpasok ng Foundation sa ikapitong dekada nito, nananatili itong “isang buhay na pangako na ang kagandahan, kultura at pagkakaisa ay patuloy na gagamitin upang paglingkuran ang mga higit na nangangailangan.”
Pinagtipon ng makasaysayang ika-60 anibersaryo ang mga pinunong patuloy na nagsusulong sa misyon at diwa ng diplomasya ng Foundation, kabilang si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa P. Lazaro bilang Tagapangulo ng IBF, si Consul Betty L. Ang bilang Pangulo ng IBF, at si Madame Sahar Behairy, Pangulo ng Spouses of the Heads of Mission (SHOM), kasama ang mga miyembro ng diplomatic corps, exhibitors at mga boluntaryo.
Ipinahayag din ni De Venecia ang kanyang taos-pusong pasasalamat kay Mrs. Tessie Sy-Coson sa walang-sawang suporta at patuloy na pagtulong nito sa International Bazaar Foundation.
Partikular niyang kinilala ang kabutihang-loob ni Mrs. Sy-Coson sa pagpapahintulot na magamit ng Foundation nang walang bayad ang magandang pasilidad ng SMX Convention Center Aura para sa International Bazaar ngayong taon. Malaki ang naging ambag ng kanyang kabaitan at pagkakawanggawa upang maisakatuparan ang makasaysayang pagdiriwang na ito.
Sa pamamagitan ng paggawa sa palitan ng kultura bilang isang pagpapakita ng pagkakaisa ng sangkatauhan, muling pinatutunayan ng International Bazaar na sa kabila ng mga karagatan, wika at magkakaibang tradisyon, ang lahat ng bansa ay kabilang sa iisang pamilya ng sangkatauhan na pinag-uugnay ng malasakit at pag-unawa sa kapwa.
Pinatutunayan din nito na ang paglilingkod sa bayan at diplomasya ay higit na nagiging marangal kapag isinasagawa nang may pusong mapagmalasakit at handang kumalinga sa kapwa.
