Calendar
Larawan: PNP Regional Office 12/FB
HVI sa droga, tiklo sa buy-bust sa Saranggani; ₱59.8K shabu nasamsam
Arestado ang isang high-value individual (HVI) matapos makumpiskahan ng tinatayang ₱59,840 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Malungon, Sarangani Province, gabi ng Nobyembre 27, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Bugik,” 40-anyos at residente ng Barangay Nagpan. Dinakip siya ng mga tauhan ng Malungon Municipal Police Station, katuwang ang Sarangani Police Provincial Office (SPPO) Provincial Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Sarangani, dakong alas-11:50 ng gabi sa tabi ng Malungon Sarangani Provincial Hospital sa Barangay Poblacion.
Nasamsam mula sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 8.8 gramo at tinatayang halaga na ₱59,840. Narekober din ang isang tunay na ₱1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek na sumailalim muna sa medical examination bago isailalim sa inquest proceedings.
Ayon kay Police Regional Office 12 Director PBGEN Alan B. Manibog, magpapatuloy ang kampanya laban sa ilegal na droga anuman ang katayuan ng mga sangkot, habang titiyaking naaayon sa batas ang bawat operasyon at paghawak sa mga ebidensya.

