Aid

PBBM naghatid ng tulong sa mga binaha sa MisOcc

197 Views

NAGHATID ng tulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga biktima ng pagbaha sa Misamis Occidental.

Dahil sa sama ng panahon ay tatlong beses na nagtangka bago tuluyang nakalapag ang eruplano na sinasakyan ng Pangulo sa Ozamiz City airport.

“Matagal ko na sanang gustong makapunta rito ngunit talaga ‘yung weather ayaw kaming paliparin. So ngayon nagbakasakali na lang kami at tatlong beses kaming umikot hanggang nakapasok kami,” ani Pangulong Marcos.

Ang plano ay sa Oroquieta City magsasagawa ng briefing ang Pangulo subalit dahil sa sama ng panahon ay sa paliparan na lamang ito ginawa. Hindi rin nakapagsagawa ng ocular inspection ang Pangulo.

“Noong pagdating naman namin dito hindi naman makalipad ‘yung helicopter kaya’t tingnan na lang natin at sinisigurado ko lang na kayo… na nahiwalay sa inyong mga tahanan ay nandito muna ay naaalalayan at naaalagaan ng ating mga DSWD,” dagdag pa ng Pangulo.

Matapos ang briefing, pumunta ang Pangulo sa Tudela, Misamis Occidental upang mamigay ng relief goods.

Bukod sa mga relief goods ay namigay din ng P55.81 milyong halaga ng financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ang grupo ng Pangulo.