Robin

Resolusyon ni Robin Ipinagtanggol si ex-Pangulong Duterte sa ICC probe

212 Views

NAGHAIN ngayong Lunes si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ng resolusyon na ipinagtatanggol si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon at pag-uusig ng International Criminal Court (ICC).
Sa kanyang Senate Resolution 488, iginiit ni Padilla ang “unequivocal defense of former President Rodrigo Roa Duterte, the 16th President of the Republic of the Philippines, in any investigation or prosecution by the ICC.”

Iginiit ni Padilla sa kanyang resolusyon na ang Pilipinas ay may “functioning and independent” na judicial system.

Dagdag niya, matapos pinayagan ng ICC ang imbestigasyon sa “crimes against humanity” sa Pilipinas, itinuring ito ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na “insulto” at “totally unacceptable.”

Ayon din sa resolusyon ni Padilla, naniwala si Duterte na ang problema sa iligal na droga ay panganib sa “social fabric” ng bansa, at ang paglaban sa droga, katiwalian at ibang krimen ay kailangan para makamit ang tunay na kaginhawaan.

Ipinunto ni Padilla na sa administrasyong Duterte, nagkaroon ng “remarkable accomplishments” dahil sa kampanya laban sa iligal na droga, rebelyon, terorismo, katiwalian at krimen, habang bumuti ang peace and order situation.