Calendar
P4B nakalaan sa fuel subsidy ngayong 2023
MAY nakalaang P4 bilyon ang gobyerno para sa pagbibigay ng fuel subsidy sa transport sector, mga magsasaka at mangingisda ngayong taon.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM) ang pondo ay nakapaloob sa budget ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Agriculture (DA).
“As directed by President Ferdinand Marcos Jr., this administration will continue providing fuel subsidies to our kababayan, especially in the most vulnerable sectors — public transport and agriculture,” sabi ni DBM Secretary Amenah F. Pangandaman.
“Kagagaling lang po natin sa pandemya. Naiintindihan po natin na maraming naapektuhang drivers and even our farmers and fisherfolks. We are banking on our transport and agriculture sector to boost economic recovery. And so we need to provide them the help and boost they need,” dagdag pa ng kalihim.
May kabuuang P3 bilyon umano na nakalaan sa2023 national budget para sa fuel voucher ng mga kuwalipikadong public utility vehicle (PUV), taxi, tricycle, at full-time ride-hailing at delivery services driver.
Mas mataas ito ng P500 milyon kumpara sa inilaan sa programa noong 2022.
May nakalaan namang P1 bilyon para sa fuel assistance sa mga magsasaka at mangingisda.
Nasa 312,000 magsasaka at mangingisda ang bibigyan ng tig-P3,000 para makabawas sa kanilang gastusin sa produksyon.