Guadiz

LTFRB naghahanda na sa ibibigay na discount sa pasahe

Jun I Legaspi Mar 16, 2023
206 Views

NAGHAHANDA na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa planong pagbibigay ng discount sa pasahe ng mga pasahero ng pampublikong sasakyan.

Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, mayroon nang pondong nakalaan para sa Service Contracting Program (SCP) at hinihintay na lamang ng ahensya na maibigay ito sa kanila ng Department of Transportation (DOTr).

“We are just waiting for the downloading of the money to the LTFRB. Pagkatapos niyan, tuloy-tuloy na ‘yung Service Contracting Program,” sabi ni Guadiz.

Sa ilalim ng panukala, mula sa P12 ay gagawin na muling P9 ang minimum na pasahe sa mga tradisyunal na jeep o katulad ng singil noong wala pang pandemya sa bansa.

“We also have to take the cue from the Office of the Secretary, how they intend to do it. I think ang gagawin lang nila is discount lang ang ibibigay sa mga tao para ‘yung pera na P1.2 billion mapagkasya sa maraming mga transport services on a nationwide scale,” dagdag pa ng LTFRB chairman.

Kung madaragdagan umano ang nakalaang pondo ay mas lalawak pa at mas marami ang makikinabang sa programa.

“I believe the budget may last only for about 6 months, half a year. So as early as now, I am requesting the DOTr to come up with additional funding para mapagkasya po namin hanggang sa katapusan ng taon ‘yung pera,” sabi pa ni Guadiz.